Kung may parusa sa batas ang pagpatay at pag-aalay ng hayop ng mga miyembro ng tribu
- BULGAR

- Dec 27, 2018
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Ako ay miyembro ng tribu na nakatira malapit sa kabundukan. Bilang parte ng aming ritwal kapag may mahalaga kaming ipinagdiriwang sa aming relihiyon ay pumapatay at nag-aalay kami ng mga alaga naming hayop. Nais kong malaman kung mayroon ba itong parusa sa ating batas? — Dan
Dear Dan,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 9147 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act”. Ayon sa Section 27 ng batas na ito:
“Section 27. Illegal Acts. - Unless otherwise allowed in accordance with this Act, it shall be unlawful for any person to willfully and knowingly exploit wildlife resources and their habitats, or undertake the following acts;
(a) Killing and destroying wildlife species, except in the following instances;
(i) when it is done as part of the religious rituals of established tribal groups or indigenous cultural communities; x x x”
Samakatwid, pahihintulutan ng batas ang pag-aalay ng mga hayop kung ito ay parte ng ritwal sa relihiyon ng tribu o ng Indigenous Peoples (IPs). Sa madaling salita, ipinagbabawal ito kapag ito ay isinagawa na hindi naaayon sa nabanggit na kadahilanan.
Nakasaad din sa batas ang sinumang lumabag ay maaaring maparusahan ng kulong mula anim (6) na buwan at isang araw hanggang isang (1) taon. Maaari ring maipataw ang multa na halagang sampung libong piso (P10,000) hanggang isandaang libong piso (P100,000). (Section 28 e, Ibid.).
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments