Kapakinabangan ng school gardening para sa estudyante, ayos!
- BULGAR

- Dec 27, 2018
- 2 min read
KUMUSTA ang inyong Pasko, mga suking tagasubaybay ng BULGAR? Sana, naging masaya tayo.
Kaya sa mga natitira pang araw ng bakasyon, gawin itong produktibo sa ating mga tahanan tulad ng pagpapalaganap ng school gardening para sa ating mga estudyante sa elementarya at high school.
Ang edukasyon ay hindi lamang nakapokus sa pagiging mahusay sa akademiko. Para sa mga mag-aaral, mas nagiging makabuluhan ang pag-aaral nila kapag may kahalong sari-saring hands-on activities.
May hatid kasing saya at excitement ang pisikal na mga aktibidad dahil sa halip na nakatutok lamang sila sa libro at blackboard, malaya rin silang natututo sa labas ng klasrum.
Ang pagkakaroon ng school garden ay lumago at lumawak noong ika-20 siglo dahil sa kakulangan ng pagkain dulot ng World War I at II. Nagsimula ang aksiyong ito noong 1890s sa Europe at nadala sa Estados Unidos.
Ngunit, sa paglipas ng panahon, natutok ang pananaw ng tao sa teknolohiya at nakaligtaan na gawing pokus at isama sa kurikulum sa mga eskuwelahan ang paghahardin, ayon sa California School Garden Network.
Ayon sa ating mga beteranong guro, ang interes sa paghahardin sa loob ng paaralan ay muling sumigla noong 1970, lalo na sa Pilipinas dahil sa pagkilos ng ating pamahalaan pati na ang mga grupong maka-kalikasan at pangkalusugan.
Dahil nakita nilang epektibo ang pangangalaga ng mga halaman dito, naging daan ito hindi lamang upang tumaas ang kamalayan sa benepisyo ng iba’t ibang gulay at prutas kundi maitatak sa kabataan ang kahalagahan ng masusustansiyang pagkain at maging aktibo at maalam sa pagtatanim nito.
Itinuturo sa mga estudyante na hindi lamang pinagaganda ng gardening ang bawat sulok ng kanilang kampus. Sa halip, nakatutulong din ito na maitaas ang personal na pagpapahalaga ng bawat isa sa ating kapaligiran at kalikasan.
Base sa mga obserbasyon ng mga nakausap nating guro, narito ang mga pakinabang para sa mga mag-aaral na dulot ng pagsasagawa ng school gardening:
Oportunidad para magtulungan sa maraming paraan.
Nagkakaroon ng pagkakataong matuto gamit ang multiple learning styles.
Naitataguyod ang nutrisyon at ehersisyo.
Naituturo ang pasensiya at responsibilidad.
Nagdudulot ng positibong work ethics na kanilang mababaon sa paglaki.
Oportunidad para makapag-ipon ang mga estudyante mula sa kanilang mga naibentang halaman.
Maiging pagpapahalaga sa sarili.
Mabuting relasyon tulad ng pagkakaisa at samahan sa isa’t isa.
Tumataas ang marka sa achievement tests sa Science.
Upang maisakatuparan itong muli, nais buhayin ng Department of Education (DepEd) ang naging programa na unang naitatag noong 1995 na “School Inside a Garden” na naglalayong maipalaganap ang environmental education sa elementarya at high school.
Malaking tulong ito sa pagpapalawak ng kaalaman, kasanayan at pagpapahalaga sa siyensiya na may kaugnayan sa panahon, klima at buhay ng mga hayop. Bukod dito, mas lalong nauunawaan ng mga estudyante ang mga aralin sa Mathematics, Technology and Livelihood Education, English at iba pa sa pamamagitan ng mga karanasang naiuugnay sa pangangalaga ng kapaligiran at pagpapahalaga ng kanilang kalusugan.




Comments