Nanay na namatay at namigay ng pera
- BULGAR

- Dec 26, 2018
- 2 min read
Salaminin natin ngayon ang panaginip ni Maria Janice ng Maria_Janice@facebook.com
Dear Professor,
Napanaginipan ko ‘yung nanay ko na 3 years nang patay na sa Leyte nakalibing.
Ganito ‘yung panaginip ko, Nagmamaktol daw ako kasi kailangan ko ng pera tapos, nakita ko ‘yung nanay ko habang nagluluto siya at tinanong ko siya kung meron na bang lutong ulam? Sumagot siya na “oo meron, huwag kang mag-alala.”
Pagkatapos nu’n, inilabas niya ‘yung sobrang kapal na tig-iisanlibo. Ang dami, tapos, naglapag siya ng apat na tig-iisanlibo at bawat isanlibo ay nilagyan niya ng tigalawang beinte, kaya ang bawat isa ay P1,040.
Gayunman, nakatingin lang daw ako sa ginawa ng nanay ko, pero ang sabi niya, “sige, gamitin mo ‘yan, basta uuwi ka, taun-taon.”
Kaya lang malungkot ang mukha niya na parang naiiyak habang sinasabi niya ‘yung “basta uuwi ka, taun-taon.”
Pagkatapos nu’n, inayos ko na ‘yung mga damit at alahas na ibinigay ng nanay ko. ‘Yung mga alahas ay may dekorasyong bato at perlas.
Tapos, nagising na ako, pagkagising ko ay iyak ako nang iyak kasi naisip ko na baka nami-miss na niya ako o gusto niyang dalawin ko siya sa Leyte, taun-taon.
Sana, masagot ninyo ito.
Maraming salamat!
Naghihintay,
Maria Janice
Sa iyo Maria Janice,
Alam mo, iha, mahirap paniwalaan na ang mga patay na ay may buhay pa rin. Kaya ang isa sa mga mahahalagang turo ng Simbahan ay magdasal tayo sa mga santo. Kaya ang panaginip mo tungkol sa iyong nanay na patay na ay nagsasabing, may mensahe siyang gustong ipaabot sa iyo.
Nakita niya ngayon na kailangan mo ng libu-libong pera. Maaaring may paggagamitan ka nito, pero hindi na mahalaga kung saan.
Samantala, ano ba ang mensahe sa iyo ng nanay mo? Ang tunay na kahulugan nito, Maria Janice ay yayaman ka at mataas ang mararating mo.
Kaya ang payo ay nagsasabing, kahit pa sobrang taas na ng naabot mo sa buhay, dapat ay palaging nakatuntong ang mga paa mo sa lupa o ‘ika nga, maging “down-to-earth” ka.
Kaya ito rin ay nagsasabing, dahil mula ka sa hanay ng mahihirap, huwag mong putulin ang ugnayan mo sa kanila tulad ngayong Pasko, hindi ba magandang magbigay ka ng regalo sa mahihirap? Gawin mo ito dahil paniguradong matutuwa ang nanay mo. Ang ibig sabihin nang umuwi ka sa lupang iyong sinilangan ay huwag mong kalilimutan ang iyong pinanggalingan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments