Panawagan sa mga kinauukulan: Masusing imbestigasyon sa mga pangyayaring nagaganap sa Ateneo de Mani
- BULGAR

- Dec 24, 2018
- 2 min read
KASUNOD ng reklamo hinggil sa isang junior high school student ng Ateneo de Manila University na nam-bully umano sa kanyang mga kaeskuwela, nakapagdesisyon na ang unibersidad na i-dismiss ang nasabing estudyante.
Gayunman, marami sa atin ang nakukulangan pa sa ginawang imbestigasyon ng pamunuan, lalo na at may lumabas na post sa social media kung saan nakasaad dito kung ano ang naging simula nang pambu-bully ng nasabing mag-aaral. Ayon sa post, bago pa mangyari ang pambu-bully, ang estudyante umano ay nagbebenta ng valium drugs at vape sa kanyang mga kaeskuwela at kung sinuman ang bibili sa kanya ay magiging parte ng grupo niya kaya nagkaroon siya ng maraming kaibigan tulad ng basketball at football varsities at marami pang iba.
Samantala, ang mga hindi naman bibili ng valium drugs at vape ay bu-bully-hin at papipiliin kung “bugbog o dignidad” ang gagawin sa kanila kung saan ito ang napanood natin sa viral video, kamakalawa.
Dagdag pa rito, para matiyak na makakukuha sila ng pera ay bina-blackmail pa umano nila ang kanilang mga kaeskuwela na hindi ilalabas ang video kung babayaran umano sila ng mga ito.
Maliban pa rito, isa pang nakagigigil na isyu ang ating nalaman hinggil naman sa babaeng nag-post sa Ateneo Freedom Wall sa social media kung saan ikinuwento niya ang ginawang panghahalay sa kanya ng dalawang lalaki sa mismong palikuran ng eskuwelahan.
Sa totoo lang, halu-halong emosyon ang ating nararamdaman sa sunud-sunod na isyu na lumalabas — nakatatakot, nakagagalit at nakagigigil talaga ang mga nangyayari!
Kaya kahit napagdesisyunan na ng unibersidad na patalsikin ang nasabing bully boy ay kinakailangan pa rin nang masusing imbestigasyon upang maisiwalat ang lahat ng totoong nangyayari.
Hindi tayo papayag na rito lang matatapos ang isyu, lalo na at alam nating may mas malalim pang impormasyon ang kailangang malaman ng lahat, hindi para siraan ang nasabing unibersidad, bagkus, para maging aware tayo at hindi na ito mangyari pa sa ibang paaralan, gayundin na kaligtasan ng ating mga anak ang nakasasalay dito.
Gayunman, ang panawagan natin sa mga kinauukulan, masusing imbestigasyon ang gawin dahil ‘yun ang nararapat!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments