Pusang kulay dilaw at puti
- BULGAR

- Dec 23, 2018
- 2 min read
Salaminin natin ngayon ang email ni She ng She_Martirez@facebook.com
Dear Professor,
Tanong ko lang kung ano ang kahulugan ng panaginip ko tungkol sa pusang dilaw at puti ang kulay?
Hindi kalakihan ‘yung pusa at medyo kuting pa siya. Sa panaginip ko, may magbabayad na lalaki, pero ang sabi niya, pusa na lang daw ang ibabayad niya.
Ano ang kahulugan nito? Salamat!
Naghihintay,
She
Sa iyo She,
Sa panaginip ng mga babae, kadalasan ang lalaki ay ang kanyang “animus”. Ang animus ay bahagi ng babae na ang katangian ay lalaki.
Sa mga kalalakihan, ang babae sa kanilang panaginip ay kadalasang inilalarawan bilang “anima”.
Kumbaga, palaging dalawa ang nag-iisang tao. Ang katotohanang ito ay ayon sa larangan ng sikolohiya.
Ano naman ang “pusa”? Ang pusa sa panaginip ay naglalarawan ng katangian ng taong maharot, sobrang malambing, pero sumpungin.
Dahil dito, makikitang ito ngayon ang kailangan mo, She. Ano ‘yun, eh, ano pa nga ba? Ang paghaharot, sobrang malambing at ang iyong pagiging sumpungin. Pero, bakit ba ito ang mga kailangan mo?
Ito ay dahil makikitang kulang ka sa harot, lambing at pinipigil mo ang iyong sumpong, maybe, sobra kang seryoso!
Puwede bang ako naman ang magtanong? Minsan, may saya sa pagsagot sa mga request tungkol sa kahulugan ng mga panaginip, pero may mga pagkakataong nakasasabik din ang magtanong.
Ang tanong ko, iniisip mo ba na mahirap mabuhay sa mundo? Nag-alala ka ba sa kinabukasan mo, kaya hindi mo mapigilan ang mag-isip nang malalim?
Pero, ako na rin ang sasagot kung ano ang sikreto para gumanda ang buhay mo.
Sa totoo lang, masaya ang paghaharot dahil ito ay nagpapasigla at bumubuhay tulad ng awra kung saan kapag mahina ang awra, nananamlay ang indibidwal.
Kapag walang lambing ang buhay ay wala ring saya at sarap. Ang lambing ay bumubuhay naman sa libido at kapag mahina ito, ang tao ay mahina rin na puwedeng dapuan ng sakit o karamdaman.
Medyo mahirap paniwalaan, pero ito mismo ang nararanasan ng matatanda na humina at nawala na ang libido kaya kung anu-anong sakit na ang iniinda.
Eh, ang sumpungin, ano naman kaya ang benepisyo nito? Rito sa mundo, ang pinakamasarap mahalin ay ang mga taong sumpungin.
Mas lalong mahirap itong paniwalaan, pero ito mismo ang nagaganap sa buhay ng mga lalaking sinasabing “under-de-saya” at makikitang ang kanilang asawa ay mga sumpungin.
Higit sa lahat, huwag mong kalilimutang i-unlease ang iyong animus. Ilabas mo ang iyong tapang at lakas ng kalooban, ‘yung parang wala kang kinatatakutan? Bakit? Dahil kailangan ng tao ang tagumpay at hindi ka dapat mabigo sa buhay. Kaya, She, be bold and daring!
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments