Abogado, isa pa in-ambushed
- Jeff Tumbado
- Dec 23, 2018
- 1 min read

KAPWA sugatan sa tangkang paglikida ang isang abogado at kanyang kasamahan sa Talisay City, Negros Occidental.
Ginagamot sa ospital sina Atty. Erfe del Castillo, 44, at Efren Palmares, na tinamaan ng bala sa katawan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pananambang alas-10:45 ng gabi sa Hacienda Nilo, Bgy. Matab-ang.
Kararating lang ni Del Castillo sa Talisay City mula Maynila kung saan sinundo ito ni Palmares sa Bacolod-Silay Airport.
Pagsapit umano sa bahagi ng Bacolod-Silay Airport Access Road, pinagbabaril ng isang grupo ng mga kalalakihan ang mga biktima na sakay sa Porsche.
Daplis ng bala sa ulo at tama sa balikat ang tinamo ni Del Castillo habang dalawang bala sa katawan kay Palmares.
Nabatid sa report na si Del Castillo ay isa sa mga abogado ng isang Francis Rey Cabuga na una nang nasangkot sa kontrobersiyal na Metro Inn Hotel sa Bacolod City.
Ito na ang ikalawang insidente ng ambush sa Negros Occidental kung saan nitong nakalipas na December 14 ay nakaligtas din sa paglikida si City Councilor Ricardo ‘Cano’ Tan at asawa nitong si Nita.





Comments