Taas-singil sa illegal parking | BUSINESS ESTABLISHMENTS, EXEMPTED — MMDA
- Gina Pleñago
- Dec 22, 2018
- 1 min read

INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na exempted ang mga business establishment sa fine increase para sa illegal parking.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang mga lungsod na may ordinansa para payagan ang “one-way parking”, partikular ang mga business establishment na walang paradahan ay exempted o hindi kasali sa pagtataas ng multa para sa paglabag sa illegal parking na ipatutupad sa Enero 7, 2019.
Ani Garcia, exempted ang mga ito sa fine increase dahil nais nilang huwag maapektuhan ang negosyo ng mga ito at gayundin ang income ng city government na ang serbisyo ay para sa kapakanan ng mga residente.
“You need to balance the business side. May mga business establishment kasi na walang parking sa harap. ‘Pag ‘yan pinagbawal lahat, maging strict ka, mamatay ang negosyo; ‘pag namatay ang negosyo, maapektuhan ang LGUs at mga access. Public service nila, maapektuhan din. So, you need to balance,” ayon kay Garcia.
Ang mga business establishment na exempted sa bagong polisiya ng MMDA ay dapat aniyang ikonsulta nito sa LGU na nakasasakop dito upang malaman kung aling establisimyento ang pinapayagang magparada sa kalsada bilang kanilang parking area.
Nilinaw din ni Garcia, na ang sakop lamang aniya sa exemption ay ‘yung city ordinance at hindi ang barangay ordinance.
“Hindi naman puwedeng lahat ng kalsada lagyan ng ordinance. May rason ‘yan, eh, kung mga business establishment ‘yan kailangang pagbigyan ‘yan,” paliwanag pa ni Garcia.
Mariin nilang sinusuportahan ang panukala ng ilang mambabatas na isinusulong ang “no car, no garage policy” dahil malaki aniya ang maitutulong nito sa traffic reduction sa Metro Manila.





Comments