CHOOKS PILIPINAS 3X3 SIMULA NA SA ENERO

MAGSISIMULA ngayong Enero ang Chooks-To-Go Pilipinas 3X3, ang kauna-unahang liga ng tatluhang basketball sa bansa.
Isang dosenang koponan buhat sa lahat ng sulok ang inaasahang magtatagisan para gumawa ng kasaysayan at matanghal na unang kampeon ng liga at mauwi ang gantimpalang P1-M.
Si Coach Eric Altamirano ang itinalagang commissioner ng liga na ang layon ay makatulong sa Pilipinas na makasali sa 3X3 Basketball sa Tokyo 2020 Olympics.
Kailangan makaipon ang Pilipinas ng puntos sa pamamagitan ng pagtatag ng mga torneo ng 3X3 at umangat sa FIBA rankings.
Kabilang sa mga lugar na nagpahiwatig ng kanilang balak sumali ay ang mga lungsod ng Maynila, Quezon City, San Juan, Taguig, Marikina at Valenzuela sa Kalakhang Maynila.
Sasamahan sila ng mga kinatawan ng Bacoor, Bulacan, Bataan, Cebu City at dalawa pang hinihintay na koponan.
Ang unang conference ay bubuuin ng anim na torneo na tatagal ng isang araw at makakakuha ng puntos ang mga magwawagi.
Ang ika-anim ay magsisilbing grand finals at karamihan ng mga laro ay gaganapin sa SM Megamall.
Ang bawat koponan ay maaring kumuha ng anim na kasapi pero apat lang ang pwedeng maglaro.
Maaaring kumuha ng isang import o naturalized player at ang mga alituntunin ng FIBA ang susundan pagdating sa eligibility.
Bilang paghahanda, magtatangka ang Pilipinas na gumawa ng bagong World Record sa pinakamaraming sabay na naglalaro ng 3X3.
Gaganapin ito sa Sisters of Mary sa Cebu mula Enero 11 hanggang 13 kung saan magtatayo ng 50 court para sa inaasahan na mahigit 6,000 na sasali.
Magkakaroon din ng preseason games sa Enero 14 sa Ynares Sports Arena kung saan masusubukan ng koponan ang takbo ng torneo.
Ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ay kukuha ng mga mahusay na manlalaro upang makasali sa pambato ng bayan sa FIBA World 3X3 Tour at iba pang mga torneo patungo sa Tokyo 2020.





Comments