top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

PULSO NG PINOY SA QATAR 9-BALL, MATIBAY, PA-SEMIS NA

Eddie M. Paez, Jr
Dec 21, 2018
2 min read

NASAKSIHAN na na­man ang tatag ng pulso ng bilyaristang Pinoy nang daigin ni Carlo Biado ang mga katunggaling sina Wi Jiaqing ng China, 11-9 at Taiwanese Lin Wu Kun, 11-4, upang maipagpatuloy niya ang kan­yang kampanya na ma­pa­natili ang korona sa ma­lupit na World 9-Ball Championships sa loob ng Al Arabi Sports Club ng Doha, Qatar.

Ang panalo ay nagtulak kay Biado, World Pool Billiards Association (WPA) no. 3 at World Games titlist, pa­punta sa semifinals kung saan makakaharap niya si 2015 at 2016 bridesmaid at Mos­coni Cup hero na si Shane Van Boening ng USA.

Una rito, natakasan ni Biado ang upset-axe sa kanyang round of 32 na duwelo kontra kay Konrad Juszczyszyn ng Poland, 11-7, pati na rin sa pakiki­pagharap niya sa pambato ng Ukraine na si Vitaliy Pat­sura, 11-9, sa paligsahang naglalaan ng halagang $200­,000 para sa mga makapapa­sok sa winners’ circle.

Sa pag-arangkada ng main draw kung saan 128 na manunumbok ang umeksena, sumikad sa preliminary stage si Biado sa pamamagitan ng pagdaig kina Argentinian Jorge Llanos, 9-3, at Sergey Lutsker ng Russia, 9-5.

Bukod kay Biado, ter­sera sa katatapos na All-Japan Billiards at sa Sen. Em­manuel Pacquiao 40th Birthday 10-Ball tilt wala nang iba pang Pinoy ang naka­lagpas sa final 32. Nalaglag sa last 64 sina Alex Pagulayan at Jeffrey Ignacio habang tiklop sa last 32 sina Roland Garcia at Johann Gonzales Chua. Si Robbi Capito, isang 17-anyos na may dugong Pinoy pero kumakatawan sa Hongkong, ang nagpabagsak sa pinakamatikas na bil­yarista sa buong mundo na si Albanian Eklent Kasi sa round of 32 però natigpas din siya sa bakbakan sa last 16.

Kasama sa mga bigating bilyarista na may pag-asa pang makapasok sa finals ang Aleman na si Joshua Fuller at WPA no. 12 at Greek gem na si Alexandros Kazakis.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page