Anti o pro-Duterte, dilawan o pulahan | Lahat ng Pinoy, dapat magdiwang sa pagbabalik ng Balangiga B

ANG pagkapanalo ni Miss Universe 2018 Catriona Gray at ang tagumpay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapasauli ng Balangiga Bells ay maituturing na pagbibigay ng napakalaking karangalan sa ating mga Pilipino.
Tunay na maipagmamalaki bilang Pilipino ay ang tinatawag na nasyunalismo.
Lahat ng bansa sa buong mundo, lalo na sa Asya ay umunlad dahil napakalakas ng kanilang nasyunalismo.
Kapag may nasyunalismo ang mga tao sa isang bayan ay nagtutulungan sila at nagsasakripisyo para mapaunlad ang bansa.
Kung walang nasyunalismo ay kani-kanya lang ang mga tao o walang pakialam sa anumang mangyari sa bayan.
Eh, kung ganito ang maraming mamamayan, tiyak na babagsak ang kanilang bayan.
Ang Balangiga Bells ay ang mga kampana sa Simbahan ng Balangiga sa Eastern Samar na kinuha ng mga sundalong Amerikano noong 1901 at iniuwi sa Estados Unidos bilang “war trophy” nila.
Ito ay matapos naghimagsikan ang mga Waray noon at napatay nila ang mahigit apatnapung sundalong Amerikano na sumakop sa kanila.
Gumanti ang mga Amerikano sa bayan ng Balangiga.
Iniutos umano ng heneral nila na patayin ang lahat ng mga tao sa Samar na kayang humawak ng baril at sunugin lahat ang mga bahay doon.
Ayon sa mga mananaliksik, hindi 2,500 ang napatay ng mga Amerikano sa Samar kundi aabot pa umano sa 20,000.
Matapos ang karumal-dumal na krimen ay iniuwi nila ang tatlong kampana ng Balangiga para simbolo umano ng tagumpay nila laban sa mga Pilipino.
Mula noong 1957, may mga pagkilos na bawiin sa mga Amerikano ang mga kampanang ito, hindi lang dahil ninakaw ito kundi dahil simbolo umano ito ng pakikipaglaban ng mga Pilipino laban sa dayuhang sumakop sa kanila para maitayo ang ating bansa.
Si P-Duterte ang tanging pangulo na ginawang malaking isyu ang pagpapasauli sa mga kampanang ito sa ating bansa.
Sinabi niya noong Agosto na hindi niya kakausapin ang Amerikanong opisyal na may kung anu-anong programang gustong gawin hangga’t hindi nila ibinabalik ang mga kampana.
Nagwagi tayo nang maisauli ng mga Ameriakano ang tatlong kampana noong Disyembre 15, 2018.
Ang tagumpay na tulad nito ang nagpapalakas ng ating nasyunalismo, ang pagmamahal sa bayan.
Gayundin, ganito ang nagawa ni Catriona Gray sa pagkapanalo niya bilang Miss Universe 2018 noong Diyembre 17, 2018 laban sa siyamnapu’t apat na mga kandidata.
Sa pagkapanalo niya, tayong mga Pilipino ay sobrang proud at tunay na naging masaya bilang Pilipino.
Napatunayan ni Miss Universe 2018 Catriona Gray na tunay siyang Pilipino nang banggitin niya na tumutulong siya sa mga mahihirap sa Tondo, Manila.
Sinabi pa niyang kahit mahihirap ang mga tagarito ay may kagandahan sila sa pakikibaka nila laban sa kahirapan.
Ang Tondo ay lugar na Pinoy na Pinoy. Isang libong taon na nang nakatayo ito at isa sa mga pinaka-popular na lugar sa Pilipinas.
Galit ka man kay P-Digong, dilawan o pulahan ka man, lahat tayong mga Pilipino ay dapat magkaisa at magdiwang sa tagumpay ni P-Duterte sa pagbabalik ng mga kampana ng Balangiga at ang pagkapanalo ni Catriona Gray bilang Miss Universe 2018!





Comments