“Paggamit” ng marijuana, oks lang sa bagong Miss Universe 2018

SUNUD-SUNOD na sigawan. Ito ang narinig at nakita natin habang palapit nang palapit si Miss Philippines Catriona Gray sa pagiging bagong Miss Universe 2018. Nang makita natin ang kanyang suot na kulay pulang gown na kakaiba sa suot ng ibang mga kalahok mula sa ibang bansa, alam nating mapapansin siya nang husto. Nang makapasok na sa “Final 3”, naisip nating malaki ang pag-asa niyang manalo. Magaling siyang sumagot kaya mas naging kampante tayo. Ilang sandali pa ay inanunsiyo na ang nagwagi at walang iba kundi ang pambato ng Pilipinas na si Catriona Gray ang ikaapat na nagwaging Miss Universe sa bansa.
Kaugnay nito, agad naging usap-usapan ang kanyang sagot tungkol sa paggamit ng marijuana bilang gamot. Sang-ayon siya sa paggamit ng “medical marijuana” hindi marijuana bilang iligal na droga. Tulad daw ng alak at sigarilyo, dapat katamtaman lang daw ang paggamit nito ngunit, paano kaya mababantayan ito? Kamakailan, naging isyu ang “biro” ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa paggamit umano niya ng marijuana para manatiling gising noong ASEAN. Baguhin kaya nito ang kanyang naging pahayag ngayong sang-ayon pala ang bagong Miss Universe tungkol rito? Gayunman, congratulations kay Miss Universe 2018 Catriona Gray, bagong karangalan na naman sa ating bansa!
◘◘◘
Mukhang hindi gusto ng Senado ang pinaplanong mga CCTV na ilalagay sa buong Metro Manila at Davao City dahil sa kumpanyang taga-China na maglalagay nito. Ang proyekto ay nagkakahalagang dalawampung bilyong piso. Nagpahayag ng pangamba si Sen. Ralph Recto sa isyu ng seguridad dahil sa magiging supplier ng sistema ang Huawei na blacklisted pala sa ibang bansa dahil sa “hacking at spying”.
Mabuti at hindi lahat ng galing China ay basta-basta na lang tinatanggap. Parang biglang nagdagsaan ang mga kumpanyang taga-China na nais magnegosyo sa Pilipinas dahil sa pagyakap ng kasalukuyang administrasyong sa China. Kailangan maipakita muna ng China Telecom na hindi gagamitin ang sistema ng CCTV para “maniktik” sa bansa. Gayundin, maaaring kailangang siguraduhin ng administrasyon na hindi ito gagamitin laban sa mamamayan.





Comments