Sanhi, sintomas at gamot sa astigmatism
- BULGAR

- Dec 18, 2018
- 3 min read
Dear Dok,
Ako at ang aking ate ay may astigmatism, ayon sa doktor na tumingin sa amin. Ano ba ito? Ano ang sanhi at paano ginagamot? Mabubulag ba kami kapag hindi ito nagamot? — Tina
Sagot
Ang normal na mga mata ay perpekto ang pagkakabilog. Ang liwanag ay nakapapasok dito at nagre-reflect nang maayos na nakapagbibigay sa‘yo ng maliwanag na pagtingin pero, kung ang iyong mga mata ay hugis football o kutsara, ang liwanag sa mata ay hindi nakapagre-reflect sa timbang na paraan.
Isang bahagi na lamang ang nabibigyan ng focus. Ang mga bagay na nakapuwesto sa malayo ay malabo at maalon. Madali lamang para sa mga doktor sa mata na ayusin ang astigmatism, gamit ang salamin, contact lens o pag-oopera.
Ano ang sanhi ng astigmatism?
Ang astigmatism ay natural lamang sa mga naipanganak na meron na nito. Hindi natin matiyak kung ano talaga ang pinakasanhi nito. Puwede kang magkaroon ng astigmatism matapos ang isang aksidente, pagkakasakit sa mata o pagpapaopera. May mga nagsasabi pa na ikaw ay magkakasakit ng astigmatism kung mahilig kang magbasa sa madilim. Siyempre, hindi naman totoo ‘yan.
Ano ang sintomas ng astigmatism?
Ang panlalabo ng paningin ay siyang pangunahing sintomas ng astigmatism pero, puwede namang dahil sa fatigue o sobrang paggamit ng paningin. Gayunman, ‘yan talaga ang pangunahing sintomas ng sakit na ito. Kung hindi ka makakita ng malinaw, makipagkita ka sa doktor para sa check-up nang makita kung ano ang sanhi ng panlalabo ng iyong paningin.
Ano ang gamot sa astigmatism?
Halos lahat ng kaso ng astigmatism ay magagamot sa pamamagitan ng pagsusuot ng salamin o contact lens. Kung ang sakit mo ay hindi naman malala at wala namang kasamang iba pang sakit sa mata, malamang na hindi na magrekomenda ang doktor ng salamin o contact lenses.
Ang irregular astigmatism ay isang uri ng sakit na hindi pangkaraniwan at kadalasan nang kaugnay ng isang uri ng sakit sa cornea, ang harapang bahagi ng mata.
May 2 uri ng pamamaraan bilang gamot sa astigmatism:
Paggamit ng salamin o contact lens. Kung ikaw ay may astigmatism, ang doktor mo ay magrerekomenda ng espesyal na uri ng contact lens na ang tawag ay toric. Ginawa ito para mabalanse ang pag-bend ng liwanag sa loob ng mga mata.
Refractive surgery. Ang pag-operang ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng paggamit ng laser. Layunin nitong baguhin ang hugis ng iyong cornea. May iba’t ibang uri ng pag-oopera sa cornea, kaya ang doktor ang siyang magpapasya kung anong klaseng operasyon sa mata ang kailangan. Bago ang operasyon, kailangang malusog ang mga mata, walang problema sa retina o anumang peklat sa cornea.
Kung mapansin mo na nanlalabo na ang iyong paningin, huwag kang lalapit sa mga albularyo na nangangakong ibabalik ang iyong paningin. Uulitin ko, huwag na huwag! Baka ito pa ang tuluyang ikasira ng iyong mga mata! Para makasiguro, sa lisensiyadong ophthalmologist o optometrist ka magpatingin.
Kung may astigmatism ka na, maiiwasan mo ang mabilis na paglala nito sa pamamagitan ng pag-iwas sa sobrang pagpuwersa sa mga mata.
Ang pagkonsumo ng healthy foods ay kailangan lalo na kung ikaw ay may astigmatism o iba pang uri ng sakit sa mata.
Astaxanthin ay isang nutrient na kailangan para mapanatili ang magandang kalusugan ng mga mata. Ito ay makatutulong para makaiwas sa pagkabulag. Ang astaxanthin ay mas mabisa kaysa sa lutein at zeaxanthin.




Comments