6 PINOY CUES, NAKA-2 WINS SA WORLD 9-BALL QATAR
- Eddie M. Paez Jr.
- Dec 18, 2018
- 1 min read

TIYAK na ang pagtumbok ng anim na bilyaristang Pinoy sa knockout round nang makapagposte sila ng tigalawang panalo kontra sa magkakaibang karibal sa eliminations ng 2018 World 9-Ball Championships na ginaganap sa Doha, Qatar. Sa pagbalik ni Carlo “Black Tiger” Biado sa lugar na ito kung saan niya nakuha ang pandaigdigang korona ng 9-ball noong 2017, tinuntungan ni Biado ang pagdaig kina Argentinian Jorge Llanos, 9-3 at Sergey Lutsker ng Russia, 9-5, para makasibad sa susunod na yugto dala ang malinis na kartada.
Ganito ring landas ang tinahak nina Jeffrey De Luna (angat kay Turkish Samil Koylu, 9-7 at kay Radoslaw Babica ng Poland, 9-6) at Alex “The Lion” Pagulayan (nakaungos kina Lebanese Mohammad Berjaoui, 9-8 at ang Hapones na si Toru Koribayashi, 9-8) para makasabay sa World Pool Billiards Association (WPA) no. 3 na si Biado.
Sumibad na rin mula sa one-loss side si 2017 World 9-Ball bridesmaid Roland Garcia, Jeffrey Ignacio at Johann Gonzales Chua para umangat ang bilang ng mga Pinoy sa anim bagamat sa opisyal na talaan, 5 lang ang may suot ng Philippine tri-colors dahil si Pagulayan na tubong Isabela ay kumakatawan na sa Canada kung saan siya naninirahan.





Comments