SUV vs. motor 2 riders dedbol
UTAS ang dalawang motorcycle riders habang sugatan ang isa pa sa nangyaring salpukan ng Sports Utility Vehicle (SUV) at motorsiklo sa Lucena City.
Dead-on-arrival sa magkahiwalay na ospital sina Merlito Cabral, 39, nagmamaneho ng motorsiklo at ang angkas nitong si Ernesto Vinta, 34.
Ginagamot naman sa Lucena United Doctors Hospital ang isa pang rider na nakilalang si Milbert Obien, na nagkaroon ng mga sugat at galos sa katawan.
Base sa report kay Police Supt. Reydante Ariza, alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahagi ng national highway ng Bgy. Ibabang Talim.
Isa umanong Mitsubishi Montero na minamaneho ni Felino Vendiola ang nag-overtake sa isang sasakyan pero huli na para maiwasan ang dalawang motorsiklo na nasa kabilang linya at tuluyang sumalpok.
Nabatid pa sa report na nakaladkad ng SUV ng ilang metro ang motorsiklo ng mga biktima bago ito huminto.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Vendiola at nahaharap sa patung-patong na kaso.





Comments