16-anyos ni-rape ng tatay-tatayan

HINULI ng mga operatiba ng Makati City Police ang 50-anyos na lalaki matapos umanong ireklamo ng panghahalay sa 16-anyos na estudyante nitong Sabado ng hapon sa nasabing lungsod.
Kinilala ni Makati City Police Chief Senior Supt. Rogelio Simon ang suspek na nahaharap sa kasong panghahalay na si Nelson Tumaliuan, ng Bgy. West Rembo.
Habang sinamahan ng kanyang tiyahin na dumulog sa pulisya ang biktima na itinago sa pangalang ‘Jessa’, estudyante.
Ayon sa inisyal na ulat ng Women’s and Children’s Protection Desk, nangyari ang umano’y panghahalay sa dalagita sa loob ng bahay ng suspek sa nabanggit na lugar alas-2:00 ng hapon.
Batay sa police blotter, isinalaysay ng biktima na noong Biyernes ng hapon nang niyaya siya ng suspek na kumain.
Tumanggi umano ang biktima at umuwi na ngunit, sinundan umano siya ng suspek at patuloy sa pagyaya.
At dahil kakilala at itinuturing na niyang tatay-tatayan, sumama siya sa bahay ni Tumaliuan.
Pagkatapos umano nilang kumain, nagpunta ang biktima sa banyo na sinasabing sinundan ng suspek saka isinara ang banyo at doon na umano ginawa ang kahalayan.
Nagawang magsumbong ng biktima sa kanyang tiyahin na agad silang nagtungo sa tanggapan ng Police Community Precinct-8 para ipahuli ang suspek.
Nadatnan nina PO1s Dexter Langaman at Mark Anthony Legaspi ang suspek sa kanyang bahay at nahuli ito.





Comments