Ano ba ang tinatawag na five-year guarantee?

Dear Atty. Art,
Magandang araw! Ako ay aktibong naghuhulog sa SSS at malapit na ring magretiro. Madalas kapag napakikinggan ko sa radyo ang tungkol sa retirement benefit, nababanggit ang five-year guarantee. Ano ba ang tinatawag na five-year guarantee? —Angelika Garcia ng Mandaluyong City
Sagot
Ang pension na tinatanggap dahil sa pagreretiro at pagkabalda (total disability) ay mayroong five-year guarantee o ginagarantiyahan ang pensiyon sa loob ng limang taon. Ang retiree pensioner ay miyembro na nagretiro at tumanggap ng pensiyon, samantalang, ang tinutukoy na permanent total disability pensioner ay miyembro na tumatanggap ng pensiyon dahil sa pagkabalda o natamong kapansanan kaya hindi na makapaghahanapbuhay.
Kapag namatay ang retiree at permanent total disability pensioner, malilipat sa kanyang pangunahing benepisaryo ang kanyang pensiyon. Ang pangunahing benepisaryo ay ang kanyang ligal na asawa at mga menor-de-edad na anak. Subalit, kapag namatay ang pensiyunado sa loob ng limang taon mula sa umpisa ng pagtanggap niya ng pensiyon at wala siyang pangunahing benepisaryo, ang sekondaryong benepisaryo tulad ng mga magulang ang may karapatang tumanggap ng lump-sum benefit na katumbas ng kabuuang buwanang pensiyon na ayon sa nalalabing balanse ng five-year guaranteed period. Ngunit, paalala, hindi kasama ang pensiyon ng dependent children at ang allowance ng tagapag-alaga ng disability pensioner sa pagkuwenta nito.
Halimbawa, kung ang pensiyunadong tumatanggap ng pensiyon sa loob ng isang taon ay namatay, ililipat ang buong basic pension sa pangunahing benepisaryo. Kung buhay pa ang ligal na asawa, ililipat sa kanya ng buo ang basic pension ng namatay na miyembro at dependent’s pension naman para sa mga menor-de-edad na anak. Ang dependent’s pension ay katumbas ng 10% ng basic pension o P250 kada bata, alinman ang mas mataas. Gayunman, kung walang pangunahing benepisaryo, ang sekondaryong benepisaryo o ang mga magulang ng namatay na miyembro, ang tatanggap ng natitirang balanse ng limang taon na garantiya ng SSS. Kapag walang sekondaryong benepisaryo, ang itinalaga o ligal na tagapagmana ng miyembro ang makatatanggap ng lump-sum benefit.
Tanging ang mga miyembro na tumatanggap ng panghabambuhay na pensiyon ang magtatamasa ng five-year guarantee. Upang makatanggap ng retirement pension, kinakailangang nakapaghulog ang miyembro ng hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon. Samantala, para sa total disability pension, dapat hindi bababa sa 36 buwanang naihulog niyang kontribusyon sa SSS.
Itinakda ng Social Security Law ang five-year guarantee bilang paraan upang protektahan ang pensiyon at tiyakin na matatanggap ng miyembro ang higit pa sa naihulog niya. Talagang sa SSS, sulit na sulit ang inihulog na kontribusyon.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
◘◘◘
Mayroon ba kayong na-late na kontribusyon ngayong 2018? May pagkakataon pang kumpletuhin ang mga kontribusyon ngayong taon dahil maaaring bayaran ng mga household employer at indibidwal na miyembro ang kanilang kontribusyon hanggang Enero 2, 2019.





Comments