Tulong na matatanggap mula sa pamahalaan para sa mga nabiktima ng pang-aabuso

Dear Chief Acosta,
Karumal-dumal ang sinapit ng pamangkin ko sa mga kamay ng kanyang asawa. Maliban sa panggagahasang naranasan niya, nagkaroon din nang kapansanan sa pag-iisip ang pamangkin ko. Noong isang buwan lamang ito nangyari. Gayunman, may nakapagsabi sa aming mayroon daw siyang maaaring makuha dahil sa pagiging biktima niya sa kanyang asawa na maaari niyang magamit sa kanyang pagpapagamot na mula sa ating pamahalaan. Totoo ba ito? — Regino
Dear Regino,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na angkop sa inyong sitwasyon na maaaring inyong tinutukoy ay ang Republic Act No. 7309 na siyang lumikha ng Board of Claims under the Department of Justice for Victims of Unjust Imprisonment or Detention and Victims of Violent Crimes. Ayon sa nasabing batas, maaaring mag-file ng claims direkta sa Board of Claims ng Kagawaran ng Katarungan (Department of Justice) ang mga sumusunod:
“Section 3. Who may File Claims – The following may file claims for compensation before the Board.
xxx xxx xxx
(d) any person who is a victim of violent crimes. For purposes of this Act, violent crimes shall include rape and shall likewise refer to offenses committed with malice which resulted in death or serious physical and/or psychological injuries, permanent incapacity or disability, insanity, abortion, serious trauma, or committed with torture, cruelty or barbarity.”
Pakatandaan lamang na ayon sa Section 4, mayroong Award Ceiling ang claim na hanggang sampung libong piso (P10, 000) para sa sitwasyon ng inyong pamangkin. Mayroon ding hangganan kung kailan ito maaaring i-claim na ayon sa Section 5, anim (6) na buwan mula nang maranasan ng inyong pamangkin ang karumal-dumal na pangyayari na naging sanhi ng kanyang sakit o kapansanan. Higit sa lahat, kung hindi na personal na makakaya ng inyong pamangkin ang pagkuha sa danyos na ito, ayon sa Section 6, ng parehong batas, tanging ang kanyang mga anak, natural parents at mga kapatid ang maaaring maging kahalili niya para rito.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments