Problemado sa madalas na pagdurugo ng almoranas
- BULGAR
- Dec 13, 2018
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako po ay 38 years old at may 2 anak. Ang problema ko ay ang madalas na pagdurugo ng aking almoranas lalo na kapag nahihirapan akong dumumi.
Bakit ba nagkakaalmoranas ang tao? Malakas naman akong uminom ng tubig at palakain ng gulay. Kailangan bang operahan ito kapag nagdurugo na? — Ivy
Sagot
Ang almoranas ay maaaring tumubo sa loob o sa labas. Sa dalawang uri ng almoranas, ang almoranas sa labas ng puwit ay ang pangkaraniwan at lubhang nakasasagabal sa mga gawain sa araw-araw.
Ano ang mga sintomas ng almoranas?
Matindi ang pangangati ng puwit
Pagsusugat sa palibot ng puwit
Pagkakaroon ng makati o masakit na bukol malapit sa puwit
Masakit na pagdumi
Paglabas ng kaunting dugo sa puwit
Bagaman, ang almoranas ay napakasakit, hindi naman ito nakamamatay at kadalasang nawawala kahit na hindi gamutin. Kung palagi kang sinusumpong ng almoranas, baka magkaroon ka ng mga sintomas ng anemia tulad ng panghihina at pamumutla ng balat dala ng pagkawala ng dugo. Ang sintomas na ito ay bihirang mangyari.
Ano ang mga sanhi ng almoranas?
Sobrang pag-iri kapag nagbabawas
Pagkakaroon ng pangmatagalang kahirapan sa pagdumi
Pag-upo sa inodoro nang matagal na panahon
Pagkakaroon ng mga kapamilyang may almoranas
Kung ikaw ay buntis, malamang na magkaroon ka ng almoranas. Kapag ang iyong bahay-bata ay lumaki, itinutulak nito ang mga ugat sa colon kaya ito ay lumalaki na parang bukol sa puwit.
Ano ang mga gamot sa almoranas?
Ibabad sa palangganang may maligamgam na tubig ang puwit sa loob ng 10 minuto
Umupo sa boteng may maligamgam na tubig
Maaaring magbigay ang doktor ng gamot tulad ng suppository, ointment o cream
Bumili ng fiber supplement para matulungan kang lumambot ang iyong dumi
Maaaring magsagawa ng proseso ang doktor na kung tawagin ay rubber band ligation
Tatalian ng lastiko ang iyong almoranas para mawalan ng suplay ng dugo at oksiheno kaya liliit ito at mawawala. Tandaan, huwag mo itong gagawin sa bahay sapagkat ito ay mapanganib at mga doktor lamang ang may kakayahang magsagawa nito.
Maaaring magturok ang doktor ng isang uri ng kemikal direkta sa mga ugat mo para kusang lumiit ang almoranas.
Paano maiiwasan ang almoranas?
Kumain ng mga mayaman sa fiber — gulay, prutas, butil, mani, beans at iba pa
Uminom ng maraming tubig at fiber supplement
Huwag umiri nang matagal
Mag-ehersisyo
Iwasan ang pag-upo nang matagal
Komentar