Trak bumangga sa puno | 4 BUMBERO NADALE
NAGTAMO ng mga sugat sa ulo at katawan ang apat na fire volunteers matapos bumangga sa puno ang sinasakyan nilang fire truck habang rumeresponde sa isang sunog kahapon ng madaling-araw sa Vitas, Tondo, Manila.
Nasa maayos ng kondisyon ang mga biktima na hindi pinangalanan na kinabibilangan ng tatlong lalaki at isang babae at pawang fire volunteers mula sa Maypajo, Caloocan City.
Ayon kay P/Senior Supt. Vicente Danao, Jr. ng MPD, alas-12:30 ng hatinggabi nang maganap ang aksidente sa bahagi ng Honorio Lopez Boulevard sa Tondo.
Ayon kay Erwin Saranza, kasamahan ng mga biktima, mabilis ang kanilang takbo nang biglang sumulpot ang isang kotse sa kanilang unahan kaya iniwasan ito ng kanilang driver dahilan para mabangga ito sa puno.
Agad namang rumesponde ang mga rescue team, nilapatan ng first aid ang mga biktima saka isinugod sa pagamutan.
Hindi naman nakita ang kotse na nagresulta sa pagkakaaksidente ng mga fire volunteer.





Comments