top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Opisyales ng gobyerno, basta usapang pera, walang alya-alyado?! Hmmm…

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 12, 2018
2 min read

SA kabila ng pag-absuwelto kay dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa kasong panda­rambong kaugnay sa PDAF scam ni Janet Lim Napoles, ipinaliwanag umano ng Palasyo kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang bilyun-bilyong pisong isiningit sa kanyang budget at kay House Majority Leader Rolando Andaya para sa 2019. Isiniwalat ni Sen. Ping Lacson ang bilyun-bilyong pisong “pork” na budget ng ilang mambabatas. Pero, ayon kay GMA, may paliwanag sila sa nasabing halaga. May pupuntahang mga proyekto ang nasabing pera hindi tulad ng “pork” na walang nakatakdang proyekto na siyang ipinagbawal ng Konstitusyon. Ang animnapung milyong pisong ipinangako ni GMA sa mga mambabatas ay mapupunta umano sa mga proyekto. Gayundin, kung gamitin sa iba (sariling layunin) ang pera, iligal na raw ito.

Pero, sino ang magbabantay sa lahat ng proyekto ng lahat ng mambabatas kung saan mapupunta umano ang pera? Alam nating ang mayorya ng Kongreso ay kaalyado ng administrasyon. Nabigyan ba ang mga taga-oposisyon o para lamang ito sa mga kaalyado lang ng adminis­trasyon? Mababantayan ba ng mi­yem­bro ng oposisyon ang pupunta­han ng mga pondo o hindi pahihintu­lutan? Dapat magpaliwanag si GMA at isapubliko na rin kung sinu-sino ang tatanggap ng karagdagang pondo sa budget.

◘◘◘

Isiniwalat ni House Majority Leader Rolando Andaya na may contractor na tila paborito ng Palasyo na nakakuha umano ng tatlumpung kontrata na bilyun-bilyon ang halaga bago pa makapasa ang budget sa Kongreso. Ang contractor ay hindi man lang kumpanya o korporasyon kundi “single proprietor”. Ibig sabihin, parang tindahan lang sa mga mall. Gayunman, kung paano nakuha ng contractor ang mga kontrata na malamang ay ipapasa lang sa mga mas malalaking kumpanya o contractor at kakabig na lang ng porsiyento mula sa kita, “mila­gro” na magaganap lang sa pamama­gitan ng malakas na koneksiyon sa Palasyo. May mga dokumento umano si Andaya para patunayan ang kanyang mga alegasyon laban sa “kumpanya” mula Bulacan.

Mukhang magkakaroon ng alitan ang Kongreso at Palasyo dahil sa mga akusasyong may kinalaman sa pera. Kapag pera talaga ang usapan, wala nang alya-alyado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page