Malinaw ayon sa palad... BEBOT NA NAKATAKDANG MAGKAROON NG MASAYANG RELASYON
- BULGAR

- Dec 12, 2018
- 2 min read

KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon kaya lang mukhang nagbago na siya matapos na may mangyari sa amin at natuklasan niyang may nakaraan na ako.
Noong hindi pa kami nagtatalik, pakakasalan at hinding-hindi raw niya ako iiwanan. Pero, matapos na may nangyari sa amin at inamin ko sa kanya na ‘yung first boyfriend ko ang nakauna sa akin, napansin kong bigla siyang nagbago.
Sa totoo lang, sawa na ako sa ganitong sitwasyon na hindi niya sinasagot ang mga text at tawag ko. Nahihirapan na ako sa sitwasyon namin, kaya gusto ko nang makipag-break sa kanya.
Ano sa palagay ninyo, Maestro, dapat na ba akong makipag-break? Sana, matulungan ninyo ako.
KASAGUTAN
Kaya tayo nakikipagrelasyon ay dahil nakadaragdag ito ng saya sa atin, pero kung malungkot ka ngayon sa sitwasyon ninyo ng boyfriend mo dahil binabalewala ka niya, tama lang ang nasa isip mo na makipag-break ka sa kanya upang sa sandaling nawala ka sa buhay niya at nagkataong mahal ka pala talaga niya, malalaman at maramdaman din niya ang tunay mong halaga.
Kaya lang, iba ang nakasulat sa iyong palad kung saan sinasabi nitong hindi kayo magkakahiwalay ng boyfriend mo. Ito ang nais sabihin ng maganda at matatag na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow a.) na sinuportahan din ng maayos at magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing, kapag nag-usap kayo nang masinsinan o ‘ika nga ay “heart-to-heart talk”, tiyak ang magaganap, hindi matatapos ang buwan ng Disyembre, abot na abot sa panahon ng Simbang Gabi, muli kayong magkakasundo, kasabay nito habang lumalamig ang panahon, unti-unti namang iinit at lalo pang sasaya ang inyong pagmamahalan.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Rianne, basta kausapin mo lang nang masinsinan ang boyfriend mo sa panahong ito ng kapaskuhan, tiyak na muling mag-iinit ang inyong relasyon hanggang sa maganap ang nakatakda, kayo na nga ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng masagana at maligayang pamilya, habambuhay.




Comments