IM BERSAMINA, NILEKSIYUNAN ANG VIETNAM SA ASIAN INTERCON CHESS

TINURUAN ng leksyon ni International Master Paolo Bersamina ng Pilipinas si Vietnamese Grandmaster Liem Quang Le upang iposte ang panggugulat sa pag-arangkada ng 2018 Asian Intercontinental Chess Championship sa Tiara Hotel ng Makati.
Dahil sa round 1 na panalo, nakasabay ang Pinoy sa malaking pulutong ng mga may hawak na trangko na karamihan ay pawang mga GMs mula sa Vietnam, India, Khazakstan, Indonesia, Iran, China at Uzbekistan.
Isang upset din na maituturing ang pakikipaghatian ng puntos ni IM Haridas Pascua (ranked 36th at may rating na 2442) kontra kay 4th seed Indian GM Gujrathi Santosh Vidit (rating: 2701) sa siyam na yugtong paligsahang tinatawag ding 2nd Manny Pacquiao Cup.
Sa kasamaang palad, ang panalo ni Bersamina, 35th ranked at may rating na 2444 at ang tabla ni Pascua ang tanging mga kinang na nasaksihan mula sa punong-abala.
Ang mga kababayan nila na sina GM Darwin Laylo, GM Rogelio Antonio, GM John Paul Gomez, IM John Marvin Miciano, IM Angelo Young, IM Jan Emmanuel Garcia, IM Chito Garma at IM Oliver Dimakiling ay pawang naging mga talunan sa unang yugto.
Samantala, tabla lang ang naipakita sa opening round ng mga pangunahing lady chessers ng Pilipinas na sina Woman’s Grandmaster Janelle Frayna, WFM Shania Mae Mendoza at WIM Marie Antoinette San Diego.





Comments