Habang nagsasagawa ng research | BIOLOGIST PATAY SA MT. APO
- Jeff Tumbado
- Dec 12, 2018
- 1 min read
MISTERYOSO at palaisipan sa mga awtoridad ang pagkamatay ng batang wildlife biologist habang ito ay nagsasagawa ng research sa bulubunduking bahagi ng Mt. Apo.
Sa ulat ng Kidapawan City Police Office, Disyembre 8 nang marekober ng search and rescue team ang bangkay ng 27-anyos na biologist na si James de Villa Alvarez, residente ng Itaas, Lemery, Batangas.
Ayon kay Police Supt. Ramel Hojilla, nagsasagawa umano ng isang pananaliksik ang grupo ni Alvarez sa Mt. Apo nang makaranas ito ng pagkahilo, pagsusuka, panghihina at hanggang sa tuluyang bawian ng buhay.
Nabatid na reptiles at amphibians na uri ng mga hayop na naninirahan sa naturang bundok ang target ng research group ni Alvarez na nagtapos ng Bachelor of Science in Biology.
Lumalabas sa inisyal na ulat na nitong Disyembre 5 nang sila ay umakyat sa Mt. Apo.
Sinabi pa ni Hojilla na hindi alam ng kanilang tanggapan ang research ng grupo at naimpormahan lang sila nang tumawag ang kasama ni Alvarez para humingi ng tulong.
Sa ulat naman ng Philippine Red Cross, rumesponde ang kanilang rescue teams sa Ko-ong base camp alas-8:00 ng umaga ng Disyembre 8 kung saan patay na nang kanilang datnan si Alvarez.





Comments