GARCIA, NAGHARI SA 40TH B-DAY 10-BALL NI PACMAN

PINUTOL ni Roland Garcia ang nakagawiang pamumuksa ng mga higante ni Edgie Geronimo sa kanilang duwelo sa championship round ng paligsahan sa iskor na 11-10 upang angkinin ang trono ng star-studded na 2018 Sen. Emmanuel D. Pacquiao 40th Birthday 10-Ball Tournament sa Verrazano Mall ng General Santos City.
Matapos itumba ni Geronimo ang mga pamosong bilyarista sa katauhan nina 2017 World 9-Ball king Carlo “Black Tiger” Biado (semis, 10-7); 2017 World 14.1 Straightpool king Lee Van Corteza (quarterfinals, 9-7) at Finland ace Mika “Iceman” Immonen (last 32 sa nakagugulat na iskor na 9-0); lalo pang lumapit sa korona ang tubong Bulacan na bilyarista nang tumabla ang race-to-11 na laro sa iskor na 10-10.
Sa puntong ito, nanumbalik ang pormang nagbigay kay Garcia ng bridesmaid honors noong 2017 World 9-Ball tilt at tinapos na ang bakbakan sa kanyang pabor. Ang panalo kay Jerico Banares, 10-6, ang naging tiket ni Garcia papunta sa finals.
Si Geronimo ay finalist din sa torneo noong nakaraang taon habang sa kaso ni Biado, ito na ang pangalawang sunod niyang podium finish matapos siyang pumangatlo sa katatapos na 2018 All-Japan Billiards.
Kalahating milyong piso ang katumbas ng korona para kay Garcia sa torneong isinaayos ni Elman “Aries” Sacayanan at pinag-interesan din pero ikinabigo ng mga bituin ng Philippine billiards na sina Dennis “Robocop” Orcullo, Zoren James “Dodong Diamond” Aranas, Roberto “Superman” Gomez, Jeffrey Ignacio, Jeff De Luna, Antonio Gabica, alamat na si Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante.





Comments