Banta ni Duterte sa mga kandidato | MGA BOTANTE ‘WAG TAKUTIN

BINALAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kandidato sa 2019 midterm elections na huwag i-terrorize o takutin ang mga botante.
“Sabihin ko sa mga kandidato, and that goes for the entire Philippines, during my watch hindi talaga ako papayag, que kasama kita sa gobyerno, partido o pulitika, don’t terrorize, don’t intimidate, don’t create fear in the voters,” ani P-Duterte.
Kapag may nabalitaan umano siyang gumawa nito, siya mismo ang makikipagtuos sa mga pulis, sundalo o kandidatong nanakot sa mga botante at siya mismo ang aaresto sa mga ito.
“Kapag ginawa ninyo ‘yan, ako mismo ang pupunta roon at ako mismo ang mag-aresto sa iyo,” sabi ng pangulo.
Mahigpit din ang direktiba ni P-Duterte sa mga sundalo at pulis na huwag kumiling sa sinumang kandidato sa 2019 midterm elections.
Aniya, kahit pa iniendorso niya ang kandidato, hindi dapat mangampanya ang sinumang pulis o sundalo para sa mga ito.
“I would like to remind everybody in government, lalo na ang Armed Forces pati police, don’t take sides, either for or against my party. Huwag kayong makialam. Huwag kayong magkampanya and don’t favor any candidate. That is the mandate of the Constitution and we will stick by it,” pahayag ni P-Duterte.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ni P-Duterte sa AFP at PNP na hanggang dalawang security escort lamang ang puwedeng mag-tandem at eskort sa kandidatong nangangailangan nito dahil kung lalagpas sa dalawa, maituturing na itong private armed group (PAG) at labag ito sa batas.





Comments