AMIT, 3RD PLACE SA WORLD 9-BALL C’SHIPS SA CHINA
- Eddie M. Paez, Jr
- Dec 11, 2018
- 1 min read

NAPIGILAN ng pambato ng Pilipinas na si Rubilen “Bingkay” Amit ang ambisyong “podium sweep” ng punong-abala matapos nitong masikwat ang pangatlong puwesto sa malupit na 2018 Women’s World 9-Ball Championships sa loob ng Hainan Tropical Ocean University gymnasium sa Lungsod ng Sanya sa Hainan Province, China.
Hindi kinakitaan ng kahinaan ng loob si Amit matapos matalo sa semifinals kontra kay World Pool Billiards Association (WPA) no. 3 Han Yu ng China. Sa halip ay tinuruan ng Pinay ng leksyon ang isa pang pambato ng China sa katauhan ni WPA no. 12 Fu Xiaopang, 9-4, upang selyuhan ang 3rd place.
Sina Yu at Wang Xiaotong (WPA no. 32) ang kumuha ng unang dalawang puwesto sa prestihiyosong sagupaan na naglaan ng kabuuang US$ 175,000 sa mga makapapasok sa winners’ circle ng paligsahang isinaayos ng Chinese Snooker and Billiards Association (CSBA) at Beijing Guoua Zhonghe Cultural Company.
Nauna rito nagrehistro ng limang magkakasunod na tagumpay ang two-time World 10-Ball titlist na Pinay. Nakatikim ng husay niya sina Huai Yi Ng (China, 7-1), Miyuki Kuribayashi (Japan, 7-6), Veronika Ivanovskaia (Germany, 9-4), Huang Qing Ning (China, 9-3) at Chen Ho Yun (China, 9-6).





Comments