Kumpanyang may P500-K atraso sa buwis, hiniritan ng P2 milyon BIR OFFICIAL AT EXAMINER, TIKLO SA KOT
- Jeff Tumbado
- Dec 9, 2018
- 1 min read

TIMBOG ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at kanyang examiner sa ikinasang entrapment operation ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-Major Crimes Investigation Unit sa Maynila.
Nakilala ang mga suspek na sina Bethsheba Bautista, Revenue District Officer ng Binondo at BIR Examiner III Rachel Villanueva.
Ayon sa report, nakipag-ugnayan sa pulisya at sa Presidential Anti-Corrupt Commission ang isang kumpanya dahil sa kinikikilan umano sila ng dalawang BIR officials ng P2 milyon para maayos ang atraso nito sa buwis pero napag-alaman na P500,000 lamang ang kanilang dapat bayaran.
Hindi na tinukoy ang pangalan ng kumpanya bagaman, dalawang taon na umano itong iniisyuhan ng tax liability ng BIR Binondo.
Napag-alaman na hirap umanong mahuli ang mga tiwaling opisyal ng kawanihan, partikular si Bautista dahil kadalasan ang kanilang empleyado ang nakikipagtransaksiyon sa kanilang mga kinokotongan.
Mariin namang itinanggi nina Bautista at Villanueva ang akusasyon laban sa kanila.





Comments