‘Word war’ sa pagitan ng gobyerno at Simbahan, awat na

KAUGNAY ng sunud-sunod na hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga pari at Obispo, nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa kaparian na maging mahinahon.
Iwasan umanong maging padalus-dalos sa pagbibitaw ng mga salita na maaaring magpalala sa sitwasyon.
Ang ‘word war’ ay hindi solusyon sa anumang hindi pagkakaintindihan.
Palagi nating sinasabi na magkahiwalay ang usapin sa gobyerno at sa Simbahan pero, hindi ito nangangahulugan na dapat magbanggaan.
Sa halip, dapat itong magtulungan para mapag-isa ang sambayanan.
Hindi magandang nakikita, lalo na ng mga bata kung paano magbangayan ang mga lider na inaasahan nating mabubuting halimbawa.
Masyado nang maraming problema ang bansa para pagtalunan pa kung sino ang tama — ang pangulo o ang mga alagad ng Simbahan.
Sa politika palang, halos araw-araw ay hindi nauubos ang kontrobersiya. Kaliwa’t kanan din ang banatan.
At nangyayari ang lahat ng ‘yan habang may mga kumakalam ang sikmura. Hindi malaman kung paano mairaraos ang isang araw.
Hindi rin maubus-ubos ang mga kriminal — magnanakaw, rapist, killer, mga walang konsensiya, mga hindi makontrol ng batas. Kung ito sana ang higit na tinututukan, matutuwa ang taumbayan.





Comments