top of page

Edukasyon, dapat iprayoridad pa rin ng mga working student

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 6, 2018
  • 2 min read

TUNAY na kahanga-hanga ang maging working student. Hindi birong pagsabayin ang pag-aaral at paghahanapbuhay ngunit, dahil sa matinding determinasyon na makatulong sa kanilang pamilya, kinakaya ng kabataang ito ang pressure sa schedule at pagod.

Hindi maiiwasan ang gampanin nila bilang estudyante at empleyado ay may mga kaaki­bat na pagsubok sa kani-kanyang kakayahan at ka­sanayan ngunit, matagumpay pa rin nilang naitatawid nang maayos ang mga requirement sa pag-aaral at responsibilidad sa trabaho.

Mayroong dalawang uri ng working stu­dents: Full-time at part-time na nauuri bilang on-campus o off-campus worker. Ang mga part-time working student ay nagtatrabaho ng 20-25 oras pababa.

Habang ang mga full-time working stu­dent naman ay kumukuha ng kabuuang bilang ng units para sa isang taon at nagtatrabaho ng 25 oras o higit pa sa isang linggo.

Iba’t ibang mahahalagang sitwasyon ang nakaaapekto sa buhay ng mga working student. Kabilang dito ang oras kung saan kaila­ngan nilang mabalanse ang paggawa ng as­sign­ments o pagre-review para sa pagsu­sulit.

Dapat masigurado nilang produktibo at mayroon pa rin silang focus sa klasrum kung hindi ay maaaring mahirapan sa pagpapana­tili ng magandang academic performance.

Pangalawa, ang pagtatapos ng pag-aaral. May posibilidad na mangibabaw ang trabaho at mawalan na ng interes sa edukasyon ang ilang kabataan dahil mayroon na silang kinikita.

Kaya mas mainam na sa campus na mismo magtrabaho ang estudyante upang maging abot-kamay lang ang kanyang mga gawain.

Gayundin, maaari itong makaapekto sa ka­nilang kalusugan, lalo na at madalas ang pu­yat at pagod dahil dire-diretso ang shift sa klase, trabaho at pagre-review.

Ngunit, sa kabilang banda, mayroon ding ma­gagandang benepisyo ang pagiging wor­king student tulad ng oportunidad na lumawak ang kaalaman, mahasa ang kakayahang mag­desisyon at matutong dumiskarte sa buhay.

Natututo silang humarap sa iba’t ibang uri ng tao at nahahasa ang communication skills.

Anuman ang kanilang natutunan sa pagta­tra­baho ay maiaaplay nila sa mga leksiyon sa klasrum.

Sa maraming paraan ay nagiging ehemplo rin sila ng mahusay na lider sa mga kapwa mag-aaral dahil nakikita sa kanila ang iba’t ibang mabubuting karanasan at kasanayan.

Daan din ito para sa wastong paghahawak hindi lamang ng oras kundi ng pera.

Dahil sa pagsubok na nararanasan sa pa­giging working student, sila ay nagiging res­pon­sable sa pagba-budget ng pera sa tamang paraan at nakapag-iipon sila na pambayad sa mga school requirement.

Malaking benepisyo ang mga educational program ng gobyerno tulad ng Free Higher Education Act (Republic Act No. 10931) upang makadagdag sa pinansiyal na panga­ngailangan ng mga nasa kolehiyo kasama na rito ang mga working student.

Kuwento ni Greg, college student na nag­ta­trabaho sa fastfood chain, anuman ang pagsubok na dumaan, silang mga working stu­dent ay nananatiling positibo sa puntong kahit sagad na ang kanilang oras ay matatag na tata­pusin pa rin kung ano ang inumpisa­han — alang-alang sa pagkamit ng pangarap sa buhay.

Anuman ang antas, kalagayan o katayu­an, nakabibilib ang sipag ng mga working stu­dent.

Sa mura nilang edad, maalam at maru­­nong na silang kumilos, tiyak na malayo ang kani­lang mararating kapag sila ay nakapag­tapos na.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page