top of page

Todo-banat noon | Mga komunista at dilawan, nganga sa hustisya sa kaso ni Kian

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 5, 2018
  • 3 min read

HABANG ang buong bansa ay nagdiri­wang sa naging desisyon ng korte sa kaso ni Kian Loyd delos Santos, kung saan tatlong pulis ang napan sa salang pagpatay sa binata, ang mga komunista at dilawan naman ay nalungkot sa pangyayari.

Bakit? Dahil masisira ang kanilang kuwen­tong-kutsero na wala ng batas sa Pilipinas, wala ng “rule of law” at hustisya sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Ang pagkakakulong sa tatlong pulis ay malaking pagpapatunay na umiiral pa rin ang batas sa bansa.

Taliwas sa pinagsasasabi ng mga komunista at dilawan, hindi “Wild Wild West” ang ating bansa. Kapag gumawa tayo ma­sama, hahabulin tayo ng hustisya.

Noong isang linggo, inilabas ng Regional Trial Court Branch 125 ang desisyon nito nang pang “guilty” sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz sa pagpatay kay Kian, 17 taong gulang noong Agosto 2017.

Napatay ito habang nagsasagawa ang tatlo ng “one time, bigtime” operasyon laban sa iligal na droga sa isang barangay sa Caloocan City.

Drug runner o tagahatid daw ng droga si Kian nang mahuli ito ng mga pulis-Caloocan. Ayon sa korte, nang-abuso raw ng kanilang ka­pangyarihan ang mga pulis sapagkat hindi makapagdepensa sa kanyang sarili si Kian.

Nasentensiyahan ang tatlong pulis ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pag­kakakulong ng walang posibilidad ng parole o paglayang may pasubali.

Noong una, sinasabing may baril daw na hawak si Kian, pero hindi malinaw kung totoo ito o hindi. “Not guilty” ang naging desisyon ng korte sa akusasyon laban sa pulisya na nag­lagay lang sila ng ebidensiya kay Kian.

Nasiyahan ang mga magulang ni Kian sa naging desisyon ng korte at nagpasalamat ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil nakatanggap na ng hustisya ang kanilang anak.

Mabuti pa ang mga magulang nito, nawalan na sila ng anak pero, nagawa pa rin nilang mag­pa­salamat sa mga awtoridad sa pagtulong ng mga ito sa kaso ng anak.

Eh, ang mga pulahan at dilawan? Wala, bokya kasi sila sa isyung ito. Sirang-sira ang ipinagka­lat nilang kasinungalingan na magulo ang Pili­pinas sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ang tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines, ang taga-Europa na si Jose Ma. Sison, naging pipi bigla. Noon, kahit anong isyu ay may sinasabi si Joma pero, ngayong ma­ganda ang nangyari sa kasaysayan ng ating hustisya ay walang masabi ang lider ng mga komunista.

Ang isa sa kanilang mga “front” na organi­sasyon, ang karapatan ay sinabi lang na naga­galit sila dahil dapat daw ay maparusahan din sina P-Duterte at ex-PNP Chief Ronald ‘Bato’ de la Rosa.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, ang hatol ng korte kay Kian ay pagpapatunay daw na may sala si P-Duterte sa mga extrajudicial killing o EJK.

Paulit-ulit na lang ang mga dilawan sa isyu ng EJK, palagi nilang bina­baluktot ang isyu para lamang palabasin na ma­­sama si P-Duterte.

Walang kautusan ang gobyerno o ang esta­do na pumatay ng mga tao na siyang tunay na kahulugan ng EJK.

Ang mga pulis ay awtorisado lang na gu­mamit ng kanilang mga baril kapag ang kanilang mga sariling buhay ay nanganganib halimbawa, kapag nanlalaban ang mga suspek.

Kapag sumobra ang mga pulis sa paggamit ng puwersa tulad ng nangyari sa kaso ni Kian, makakasuhan sila.

Sa lahat ng pulisya sa mundo ay mayroong tinatawag na “rogue cops” o mga sutil na hindi sumusunod sa alintuntunin.

Pero, mas marami pa ring pulis ang matitino at matatapang na gi­­nagawa ang kanilang tra­baho na maprotekta­han ang taumbayan laban sa mga kriminal.

Ang magandang naging resulta sa kaso ni Kian ay ang pagpapatunay na mayroong “rule of law” sa ating bansa. Batas ang umiiral hindi ang personalidad.

Kaya malungkot ang mga pulahan at dila­wan. Nawalan sila ng istoryang pampropaganda na ginagamit nila para mapabagsak ang admi­nistrasyong Duterte.

Mayroong naglabas ng balita noong isang taon na nag-alok daw ang mga dilawan ng P2 milyon sa mga magulang ni Kian para dumalo ito sa mga protesta laban kay P-Duterte pero, tinanggihan daw ito.

Ano kaya ang susunod na kuwentong-kutsero ng tambalang pulahan at dilawan? Hindi titigil ang mga ito hangga’t nakaaagaw ng ka­pangyarihan na tulad noong 1986.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page