Rollback sa pasahe sa jeep, aprub!

KASABAY ng sunud-sunod na tapyas sa presyo ng petrolyo, sa wakas, pinagbigyan na ang hirit ng mga komyuter na ibaba ang pamasahe.
Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbabawas sa pamasahe sa jeep.
Mula sa kasalukuyang P10 minimum fare, base sa inilabas na Board Resolution ng LTFRB, ibababa sa P9 ang minimum na pamasahe sa NCR, Regions 3 at 4.
Gayunman, mas mataas pa rin ito ng piso mula sa inihihirit ng samahan ng consumer at commuters na balik-P8.
Maaaring sa iba, ito ay hindi sapat habang sa iba naman, ito ay maaga nang pamasko sa publiko.
Malaking bagay ang piso, sa mismong pamasahe kung kulang ka nito, mahihiya kang sumakay. Gayundin sa iba pang bilihin, hindi lang piso kundi bawat sentimo ay may halaga.
Kaya piso o dalawang piso man ang ibababa sa pamasahe, tiyakin lang sana ng gobyerno na nasa tama at patas ang kanilang desisyon.
Masyado nang mabigat ang araw-araw na trapik, kahit man lang sa pamasahe ay makaramdam ang taumbayan ng ginhawa, kahit paano.





Comments