Kahalagahan ng pagbibigay at pagmamalasakit ng kabataan, ituro sa klasrum
- BULGAR

- Dec 4, 2018
- 2 min read
TATLONG linggo na lang, Pasko na! Maraming dayuhan na nakaranas nang magdiwang ng Pasko sa ating bansa ang nagsasabing kakaiba ang Pasko sa atin, isang bagay na humihikayat sa kanila na muling bumalik dito.
Tuwing sasapit ang kapaskuhan, bawat taon ay unti-unting nawiwili ang mga batang mag-aaral na maging aktibo sa iba’t ibang Christmas activities sa loob at labas ng eskuwelahan.
Mapakaroling, paggawa ng parol at iba pang dekorasyon bilang class project, kris kringle o palitan ng regalo sa mga kamag-aral o pagdalo sa mga Christmas Party, pinaghahandaan nila ito nang maigi at talagang kinagigiliwan dahil sa saya at pahingang maituturing makalipas ang ilang buwan nilang pag-aaral.
Bukod sa pagiging sabik sa pagtanggap ng kanilang mga pamasko, mainam din na habambata pa ang mga mag-aaral ay maturuan na sila ng kanilang mga magulang at guro na makaugalian at makahiligan din ang maging mapagbigay.
Gaanuman kaliit o kalaki ang halagang ibibigay, ang mahalaga ay ang kanilang magandang intensiyon na makatulong sa kapwa.
Alam nating mga Pinoy na ang ating tradisyon ng pagbibigayan ay isang diwa ng kapaskuhan at pinaniniwalaang “it is more blessed to give than to receive.”
Sana ay patuloy ito na ipaalala at ituro ng ating mga guro sa kanilang mag-aaral upang makasanayan nila ang kaugaliang ito hanggang sa kanilang paglaki.
Ang World Kindness Day ay ipinagdiriwang tuwing Nobyembre 13, ngunit, hindi ito dapat nagtatapos sa isang araw o ilang okasyon lamang.
Dapat ay maipamalas nating lahat ang pagiging mabait, kabutihang-asal at mataas na moralidad sa lahat ng pagkakataon.
Tayong mga nakatatanda dapat ang magsilbing huwaran para sa kabataan.
Para maisakatuparan ang layuning ito ay may ilang suhestiyon ang mga organisasyong naglalayong magkaroon ng magandang pagbabago sa mga eskuwelahan, opisina, pamilya at lipunan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan tulad ng Random Acts of Kindness Foundation.
Malayo ang mararating sa moralidad at edukasyon ng estudyanteng sanay sa pagiging mapagmalasakit sa iba tulad ng simpleng pagbibigay ng biskwit o mamon sa batang namamalimos, tulungang tumawid sa kalsada ang matanda, magbigay sa fund raising event, pagpulot ng nakakalat na basura o kaya ay mag-donate ng mga lumang damit.
Hindi lamang sa materyal na bagay nasusukat ang kabutihan kundi maaari rin itong ibigay sa pamamagitan ng ating oras sa pakikihalubilo sa mga kaibigan, magluto ng pagkain sa mga street children, sulatan ng appreciation letter ang guro sa lahat ng kanyang sakripisyo o kaya mag-movie marathon kasama ang pamilya.
Higit sa lahat, maging ang pagiging responsable sa kani-kanyang pag-aaral ng mga mag-aaral ay isa ring paraan upang maipakita ang pagiging mabuti sa kanilang mga magulang at sa buong pamilya na walang anuman o sinuman ang makapapantay.
Sa kabila ng pagiging abala ng bawat isa sa paghahanda para sa papalapit na Pasko, huwag sana nating kalimutan ang walang patid na pagtuturo sa ating mga kabataang ang kahalagahan ng pagbibigay, pagmamalasakit at kabutihan.
Gamitin ang oportunidad sa klasrum na hikayatin sila na hindi lamang ang katalinuhan ang magpapaangat sa kalidad ng kanilang kinabukasan kundi higit na mahalaga rin ang kondisyon ng kanilang puso na nais unahin ang iba kaysa sa sarili.




Comments