3 MNLF MEMBERS IN-AMBUSH

TATLONG miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang napas-lang sa isinagawang ambush ng isang grupo sa Matalam, Cotabato.
Bukod sa mga nasawi sa pag-atake na sina Tata Angeles, 25, George Dilanggalen, 50, at Doring Panga, 40, tatlong iba pang MNLF ang sugatan na nakilalang sina Jomer Sultan, 17; Samsudin Dilanggalen, 18; at Datu Ali Sultan, 23, pawang mga residente ng Bgy. Kibudoc, habang isa naman ang nawawala sa insidente.
Ayon kay Matalam Police Chief Inspector Joseph Brian Placer, nangyari ang pananambang sa mga biktima sa bahagi ng Purok Ragsak, Bgy. Kibudoc nitong umaga ng Sabado.
Lulan ang mga biktima sa tatlong motorsiklo habang patungo sa kanilang sinasaka nang pagbabarilin ng mga suspek na nakatago malapit sa dinaraanan ng kanilang mga target.
Sinabi pa ni Placer na lahat ng mga biktima ay pawang miyembro ng MNLF sa ilalim ng Nur Misuari faction.
Sa isinagawang joint police at military pursuit operation ay nadakip ang nasa 16 na suspek sa naturang ambush.





Comments