Kung maaari nang makuha ang 13th month pension sa SSS
- BULGAR

- Dec 2, 2018
- 2 min read
Dear Atty. Art,
Magandang araw! Ako ay pensiyunado ng SSS. Nabalitaan kong nagbibigayan na ng 13th month pension sa mga kumpanya. Nais kong malaman kung kailan ibibigay ng SSS ang 13th month naming mga pensiyunado? Salamat! —Porfirio dela Cruz ng Taguig City
Sagot
Mabuting balita! Nailabas na ng SSS sa aming mga partner bank ang pondo para sa 13th month pension. Matatanggap ninyo ang inyong 13th month pension mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7.
Nagsimulang ibigay ng SSS ang 13th month pension noong Disyembre 1988. Ito ay katumbas na isang buwang basic monthly pension ng pensiyunado. Makatatanggap din ng 13th month pension ang partial disability pensioner kung ang kanilang pensiyon ay aabot ng 12 buwan.
Naglabas ng halos P22 bilyong pondo ang SSS para sa pagbibigay ng 13th month pension ng mahigit sa 2.4 milyong pensiyunado.
Samantala, mahigit 15,000 pensiyunado ang tatanggap nito sa pamamagitan ng tseke. Ito ay ipinadadala ng SSS “thru registered mail” sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation. Ang mga tseke ay for delivery sa tirahan ng pensioners. Makatatanggap din ng 13th month pension maging ang dependents ng pensiyunado.
Nakipag-ugnayan na ang SSS sa partner banks at hiniling na mai-credit ang 13th month pension sa unang linggo ng Disyembre. Ngunit, diskresyon na ng mga bangko kung isasabay nilang ibibigay ng 13th month pension at December pension, susundin nila ang regular schedule ng pagbibigay ng buwanang pensiyon o ang contingency date ng pensiyunado. Ang contingency date ay ang petsa ng retirement, total disability o death ng SSS member. Ito ang basehan ng petsa ng pag-withdraw ng pension sa bangko ng pensioner.
Hiniling din ng SSS sa Philippine Postal Corporation na unahin ang pagpapadala ng tseke ng 13th month pension at December pension upang masayang maipagdiwang ng mga pensiyunado ang kapaskuhan.
Para sa mga pensiyunado na tumatanggap ng tseke na nakatira sa Metro Manila at mga karatig na lugar, tatlo hanggang limang araw ang paghahatid ng inyong tseke. Lima hanggang walong araw naman para sa mga naninirahan sa malalayong probinsiya ng Luzon at walo hanggang sampung araw para sa mga nasa Visayas at Mindanao.
Kung ang pensiyunado ay tumatanggap ng dalawang pensiyon mula sa pensiyon ng namatay niyang asawa at sa kanyang sariling pensiyon, makatatanggap siya ng dalawang 13th month pension bilang survivor-pensioner at para sa sarili niyang pensiyon.
Kaya matatanggap na ninyo ang inyong 13th month pension ngayong Disyembre. Sana, ang mabuting balitang ito ay magdala ng kasiyahan sa atin mga pensiyunado!
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.





Comments