Bahay natabunan ng mga bato | 3 YRS. OLD NALIBING NANG BUHAY
- Vyne Reyes
- Dec 2, 2018
- 1 min read

PATAY na nang matagpuan sa kanyang higaan ang tatlong taong gulang na lalaki matapos matabunan ng malaking tipak ng bato mula sa pagguho sa Sitio Gulod, Bgy. Jose Patag sa Santa Maria, Bulacan.
Nasa ilalim ng higaan na nakuha ang biktimang si Leonard Dorimon, Jr. Naisugod pa sa ospital ang paslit subalit, hindi na rin umabot ng buhay.
Dinala rin sa pagamutan ang kasama sa bahay ng biktima na sina Andre Auditor, 3, at ang lola ng mga bata na si Teresita Auditor, 60. Nasugatan ang dalawa na nakatayo sa pintuan nang mangyari ang pagguho.
Ayon sa ama ng biktima na si Leonard, lumabas siya ng bahay para linisan ang kanyang motorsiklo nang may marinig na malakas na dagundong na tila may bumagsak na puno. Kasunod na nito ay kanyang nakita ang malaking bato na bumagsak sa kanilang bahay. Sinabi ni Senior Superintendent Chito Bersaluna, nakatayo ang bahay ng mga biktima sa dating quarry site. Wala umanong pag-ulan nang mangyari ang pagguho.




Comments