SWEEP SA ELIMS ANG BLAZE SPIKERS, CARGO MOVERS SA 2ND SPOT NG PSL


LAYUNIN ng Petron Blaze Spikers na walisin ang eliminasyon sa sandaling makaharap ang Sta. Lucia Realtors sa Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayon sa Caloocan Sports Complex. Ang bakbakan ay magsisimula ng 4 p.m. kung saan target ng Blaze Spikers ang ika-10 panalo sa prestihiyosong women’s club tourney. Aaksiyon din sa torneo ang F2 Logistics na hindi bibitiw sa 2nd spot kontra Cocolife Asset Managers ng 6 p.m.
Sa Collegiate Grand Slam, magbabanggaan ang University of the Philippines at University of Santo Tomas para sa solo lead ng 2 p.m. habang ang Far Eastern University ay lalaban sa Colegio San Agustin-Binan sa alas-12 ng tanghali.
Pero ang lahat, abangers sa Petron. Ipaparada ng squad ang hawak na Grand Prix title at walang dungis ang karta sa siyam na sunud-sunod na panalo. Bagamat dumanas sila ng ilang problema sa nakaraang karibal na Foton Tornadoes, nakumpleto pa rin nila ang pagwawagi sa 4 sets at seryosong duduplikahin ang sweep ng conference tulad ng nakaraang tatlong taon.
At ayon kay head coach Shaq Delos Santos iyon ang huling bagay na nasa isip nila ngayon. “All we want is to finish strong,” ayon kay Delos Santos na bahagi ng coaching staff nang itarak ng Petron ang 13-0 mark tungo sa pagsungkit ng All-Filipino crown. “We have to be very careful because as the wins pile up, the pressure intensifies. This is a very competitive league. Other teams will beat us if we will not be at our best in our next game.” Ang historic sweep na pakay ng Petron ay ihaharap sa Lady Realtors. Sinabi naman ni Lady Realtors’ head coach George Pascua na haharap sila nang walang kaba dahil handa ang kanilang puso bagamat wala sa serbisyo sina Filipino-American MJ Philips at Chin Basas. “We will fight until the very end,” banta ni Pascua, na halos sumuko na ang kanyang bataan nang pakabugin ng Petron sa laban ng nakaraang linggo. (MC/VA)





Comments