Sinita sa pekeng plaka | PULIS, BUKING SA DROGA
- Jeff Tumbado
- Dec 1, 2018
- 1 min read
PATULOY na tinutugis ng mga awtoridad ang isang pulis dahil sa pag-iingat nito ng shabu at ilang armas sa kanyang sasakyan sa Bgy. Central, Mati City, Davao Oriental.
Nakilala sa kanyang naiwang pasaporte sa loob ng sasakyan ang pulis na si PO2 Luis Gabrinao, Jr. na nakadestino sa Island Garden City of Samal (IGACOS) Police Station.
Ayon kay Davao Oriental Police Provincial Office-Police Community Relations (DOPPO-PCR) Chief Superintendent Ariel Nueva, nakitang tumatakbo ang SUV ni Gabrinao sa kahabaan ng Rizal Street.
Napansin nila ito habang nagsasagawa ng Oplan Davao Oriental Kalinaw dahil sa pekeng plaka ng sasakyan.
Sinundan ng mga pulis ang sasakyan ngunit, nagpaharurot si Gabrinao, bago bumaba ng kanyang sasakyan at tumakbo papalayo. Narekober sa loob ng SUV ang isang sachet ng shabu, dalawang plastic sachets na may shabu residue, marijuana, digital weighing scale, mga drug paraphernalia at isang fragmentation grenade.
Nabatid na noong 2014 ay natanggal sa Toril Police Station si Gabrinao dahil sa pagkakasangkot nito sa kalakaran ng iligal na droga sa lugar.





Comments