Piyansa kay Imelda Marcos aprub — Sandiganbayan
- Jeff Tumbado
- Dec 1, 2018
- 1 min read

PINABORAN ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating unang ginang at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na makapaglagak ng piyansa habang dinidinig ang kanyang apela sa kasong graft.
Sa naging desisyon ng Anti-Graft Court, inatasan si Marcos na magbayad ng P300,000 piyansa na doble ng kanyang kasalukuyang bail na P150,000.
Mangangahulugan ito na si Marcos ay malaya habang tinatalakay ng korte ang kanyang apela.
Paliwanag pa ng Sandiganbayan, maaaring ihain ni Marcos ang kanyang motion for reconsideration sa kanila o dumiretso na sa Korte Suprema.
Binibigyan si Marcos ng 15-araw upang i-avail ang post conviction remedies sa ilalim ng Rules of Court.
Si Marcos ay nahatulang guilty sa pitong bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa mga nilikha nitong Swiss Foundation noong siya ay gobernador pa ng Metro Manila.
Noon lamang Martes, naghain na ng notice of appeal si Marcos sa Sandiganbayan upang ipaalam na iaakyat nito sa Supreme Court ang conviction sa kanyang kaso.





Comments