Rollback non-stop | DAGDAG-TAX SA GAS, TULOY!

BINAWI na ng Department of Finance (DoF) ang una nitong rekomendasiyong suspendihin ang ikalawang yugto na dagdag na buwis sa langis o excise tax sa ilalim ng Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa ipinatawag na press briefing, inianunsiyo ni Finance Sec. Carlos “Sonny” Dominguez na itutuloy na ang pagpapataw ng dagdag na dalawang pisong buwis sa kada litro ng produktong petrolyo simula Enero ng susunod na taon.
Ayon kay Dominguez, hindi nakikita ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) na may pangangailangan pang ipatupad ang suspensiyon ng pagbubuwis dahil patuloy namang bumababa ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
“The recommendation comes in light of the favorable outlook in world oil prices, where the Dubai crude oil prices have gone down by 14% from an average of USD 79 per barrel in October down to USD 68 per barrel so far in November. More so, the oil futures market projects the price of oil to decline further to below USD 60 per barrel in 2019, indicating a downward trend in world oil prices,” paliwanag ng kalihim.
Ani Dominguez, dapat maunawaan ng publiko na ang pangongolekta ng pamahalaan ng dagdag na buwis sa langis ay hindi naman dahil gusto lang nilang mang-inis ng mamamayan kundi para makalikom ng ipantutustos sa mga proyekto ng gobyernong pakikinabangan ng mayorya ng mga Pilipino.
Ikinonsidera rin umano ng DBCC ang matinding epekto sa kita at gastusin ng gobyerno para sa Fiscal Year 2019 kung itutuloy ang pagsuspinde sa dagdag na buwis sa produktong petrolyo.





Comments