Patay na beybi itinapon, estudyanteng mommy, huli
ISINASAILALIM ngayon sa interogasyon ng Manila Police District (MPD) ang isang 18-anyos na estudyante na nahagip ng closed circuit television (CCTV) habang itinatapon sa basurahan ang isang patay na sanggol, kahapon ng umaga sa Sampaloc, Manila.
Nasa kustodiya ng MPD - Homicide Section si Cheche, hindi tunay na pangalan, dalagang estudyante na sinasabing mag-isa lamang nang isagawa ang pagtatapon ng sarili niyang anak.
Batay sa ulat ni SPO2 Bernardo Cayabyab, may hawak na kaso ng MPD-HS, alas-9:10 ng umaga, nang nahagip ng CCTV, ang suspek na nag-iwan ng asul na plastic bag sa tambak ng basura sa panulukan ng M.F. Jhocson St., sa Sampaloc.
Nadaanan at nasaksihan ng concerned citizen ang kaduda-dudang pagtatapon ng suspek ng plastik kaya nang tiningnan niya ito ay natuklasan niyang isang sanggol ang laman ng plastik kung saan agad niya itong ini-report sa pulisya.
Sinabi ng suspek na mag-isa lang siya sa boarding house at alas-3:00 nang madaling-araw kahapon nang siya ay magsilang ng sanggol at buhay pa umano ito hanggang sa mawalan siya ng malay at hindi na namalayan ang pangyayari at nang magising ay nakita niyang hindi na humihinga ang sanggol.
Nataranta na umano ang suspek sa nangyayari kaya naisipan nito na itapon na lamang ang sanggol. Kinumpirma ng suspek na walang alam ang kanyang mga magulang sa kanyang pagbubuntis.
Ayon kay Cayabyab kailangan pa nila ang sertipikasyon ng doktor upang matukoy kung nagkaroon ng intentional abortion upang maisampa ang kaso laban sa suspek.





Comments