Koreano tiklo sa 'P2.2 billion shabu'
- Alvin Murcia
- Nov 30, 2018
- 1 min read
INARESTO ng mga pulis ang isang Koreano sa isang anti-drug operation na nagresulta sa pagkakarekober ng 500 gramo ng hinihinalang shabu at mga kemikal sa paggawa nito sa Pasig City.
Kinilala ni Chief Supt. Bernabe Balba ang suspek na si Kim Jong Hee, Korean national at isang Marvin Yu.
Nahuli ang mga ito sa parking lot ng J3N3 sa Garnet Road Ortigas Center, Bgy. San Antonio, alas-9:30 ng gabi.
Narekober din mula sa mga suspek ang dalawang container at apat na water jugs ng naprosesong shabu, 26 sako ng ephedrine, glass mixers, gallon ng kemikal na umano ay precursors, mga kahon na may acetone at iba pang kagamitan sa paggawa ng shabu na sa kalkula ng mga pulis ay kayang gumawa ng 325 kilo ng shabu na nagkakahalagang P2.2 bilyon.
Napag-alaman na ang operasyon ay nagsimula sa Victoria Court sa Bagong Barrio, Caloocan City kung saan nahuli si Marvin Yu at narekober ang 250 gramo ng shabu alas-5:00 ng hapon kamakalawa.
Nagsagawa ng follow-up operation sa San Juan City sa harap ng Viridian Hotel kung saan nahuli si Kim Jong Hee, na umano'y chemist at narekober ang 250 gramo ng shabu alas-6:30 ng hapon.
Matapos ang negosasyon, nadiskubre ng mga pulis ang isang Toyota Grandia na nakaparada kung saan nakita ang mga iligal na droga.





Comments