GM CARLSEN, WORLD CHAMPION PA RIN VS. CARUANA SA LONDON

MATAGUMPAY na napanatili ni Norwegian Grandmaster Magnus Carlsen ang titulo ng pagiging world champion sa pagwawakas ng kanyang serye sa World Chess Championship kontra kay Italian-American GM Fabiano Caruana sa London.
Pagkatapos ng 12 games sa larangan ng standard chess hindi naipagpag ni Carlsen ang hamon ni Caruana at nauwi ito sa isang 6.0-6.0 na standoff.
Pero sa tiebreaker na kinasangkutan ng mabilisang chess, naging dominante si Carlsen, 3.0-0.0.
Ito na ang pangatlong pagkakataon na napanatili ng Norwegian ang trono magmula noong maagaw niya ito kay Indian GM Vishwanathan Anand limang taon na ang nakararaan.
Ang pagpapanatili ni Carlsen ng kanyang titulo ay may kakambal na gantimpalang USD 621,000 habang si Caruana naman ay nag-uwi ng USD 508,000 mula sa duwelong tumagal ng halos tatlong linggo.
Samantala, hinirang na kampeon si Charles Darwin Nakila sa 144th PCA Chess Tournament Kiddies U14 sa Lungsod ng Parañaque kamakailan.
Hindi binigyan ng pagkakataon ni Nakila, 12-anyos na makaporma pa ang kahit na sino sa 70 paslit na woodpushers at sa pamamagitan ng anim na panalo sa anim na salang sa board ay matiwasay siyang nakaakyat sa trono. Isang mataas na 2315 ang kanyang naging performance rating sa paligsahan.
Malayong segunda ang batang babaeng si Franchesca Largo sa kartada nitong 5 puntos mula sa apat na panalo at dalawang tabla.
Si Freddie Casabuena (5.0 puntos) ang nakasikwat ng huling upuan sa podium.





Comments