OLIVAREZ AT PASIG BUMIDA KAAGAD SA NCRAA OPENING
- A.Servinio
- Nov 29, 2018
- 1 min read

SINIMULAN ng Olivarez College ang pormal na depensa ng kanilang korona sa Seniors Basketball sa pagbubukas ng 26th taon ng National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Martes ng hapon sa Olivarez Gym sa pamamagitan ng isang 66-65 na makapigil-hiningang tagumpay kontra Saint Francis of Assisi College.
Sa unang laro, nagpakilala ng husto ang Pasig Catholic College sa kanilang panalo sa kapwa baguhang koponan ng Immaculada Concepcion College, 88-72.
Lamang ng isang puntos ang Olivarez, 66-55, na may siyam na segundong nalalabi kaya napilitin na bigyan ng foul si Harold Sala ngunit, minintis ng guwardiya ang kanyang dalawang free throw.
Napunta ang bola kay JM Cruz ng Saint Francis subalit nahuli siyang nakatapak sa linya kaya binalik ito sa Olivarez.
Namigay ng foul muli ang Doves at hindi napasok ni Vinny Begaso ang dalawa niyang tira. Hindi nakuha agad ng Doves ang bola kaya hindi sila nakatira sabay tunog ng busina.
Si Begaso, isang kasapi ng NCRAA Mythical Five noong 2017 ay namuno sa Sea Lions na may 14 puntos at 11 rebound.
Sinundan siya nina Sala na may 13 puntos at Lordy Geronimo na may dagdag 12 puntos at 10 rebound.
Bago ang mga laro, nagkaroon ng munting palabas ang liga tampok ang talumpati ni Coach Yeng Guiao ng Gilas Pilipinas at NLEX Road Warriors.
“Balang araw, baka may ilan sa inyo ay maging player ko sa PBA at sa Gilas,” wika niya sa harap ng mga atletang mag-aaral.





Comments