top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Bilang ng Chinese nationals na hindi dokumentado, tumataas

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 29, 2018
2 min read

HELLO, mga bes! Noong isang araw, lumahok tayo sa pagdinig ng Senate Committee on Labor tungkol sa paglobo ng bilang ng Chinese nationals na hindi dokumentado sa ating bansa. Nababa­hala tayo rito sa dalawang dahilan: Una, mababawasan ang trabaho na dapat sana ay laan para sa mga Pilipino. Ikalawa, may pagwawalambahala rito sa ating mga batas at regulasyon.

Nakumpirma natin sa pagdinig ang mga ulat ng pagpasok ng ilang Chinese nationals gamit ang pekeng pasaporte. Karamihan sa kanila ay tourist visa ang gamit, pero may intensiyong manatili sa bansa para makapagtrabaho sa online casinos kaya kumukuha ng special working permits.

Kailangang seryosohin ng Department of Labor and Employment at Bureau of Immigration ang pag-iisyu ng visa hindi lamang sa Chinese nationals kundi sa lahat ng dayuhang narito sa ating bansa. Tandaan, may pamantayan sa pagbibigay ng special permits. Kataka-takang panay online casino o gaming ang trabaho ng mga aplikante. Kayang-kaya ng mga Pilipino ang gawain dito, anong expertise ang kailangan mula sa mga dayuhan? Isang bagay itong dapat nating tingnan at bantayan.

Bukod na usapin naman ang pagdinig ng Senate Committee on Public Services sa pagkakapili ng Mislatel Consortium bilang ikatlong telecommunications company sa ating bansa. Sa pamamagitan ng ating resource persons mula sa National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at mga kinatawan mula sa mga kumpanyang nakilahok sa pagpili sa ikatlong Telco, naliwanagan natin ang proseso ng seleksiyon. Gayunman, lumabas ang napakaraming tanong at isyu na kailangan pa nating himayin para matiyak na gagampanan ng Mislatel ang kanilang obligasyon dahil may kakayahan silang gawin ito.

Naniniwala tayong napakalaki at napakahalagang reporma ang pagkaka­roon ng third player sa telekomunikasyon. Kailangan ang ikatlo, ikaapat o ikalima pang players at stakeholder para mabawasan kung hindi man tuluyang matanggal ang mabagal na internet, nawawalang signal, dropped calls at iba pang aberya.

Nais din nating alamin ang papel ng China Telecom sa ating ikatlong Telco. Ang China Telecom ay isang korporasyon ng gobyerno ng China. Kailangang bantayan ang napaulat na gawain ng nasabing banyagang korporasyon na pag-hijack sa internet traffic. Siyempre, pangunahing alalahanin din ang pambansang seguridad at interes.

Kinukuwestiyon ang integridad ng proseso ng seleksiyon ng ikatlong Telco. Bali-balita ang paglalakad ng ilang personalidad para pumabor sa Mislatel. May pagdududa sa selection board na mismong pumili.

Trabaho ng Senado na gamitin ang oversight powers nito para palabasin ang katotohanan sa ganitong mga pagkakataon. Pagkakataon ang mga pagdinig na ganito upang lumabas ang katotohanan at maka­rating sa kaalaman ng ating taumbayan. Patuloy ang ating pagsisikap para matiyak na protektado ang interes ng ating bansa at ng ating mga kababayan sa lahat ng pagkakataon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page