top of page

Babala sa madalas hingalin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 29, 2018
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Dati akong nanini­garilyo subalit, tumigil na ako. Minsan ay nakara­ranas ako ng hirap sa paghinga kahit wala akong ginagawa o nakaupo lang ako. Ano kaya ang sanhi nito? — Jun

Sagot

Kapag tayo ay mabilis maglakad at hinihingal, bumibilis ang tibok ng ating puso at natural lang na mahi­hirapan tayo sa paghinga, gayundin kapag tayo ay nag-eehersisyo.

Ang paghinga ay may­ro­ong dalawang bahagi — ang bentilasyon at respiras­yon, alinman sa dalawang ito kapag nagambala ay magdudulot ng hirap sa paghinga.

Ang malalang hirap sa paghinga ay tinatawag na chronic dyspnea na tuma­tagal ng mahigit isang buwan. Kadalasan, ito ay epekto ng hika, sakit sa puso at myocardial ischemia (ang kawalan ng oxygen dahil sa pagbabara ng arterya), sakit sa baga at pneumonia.

Narito ang ilang dahilan nito:

  • Kailangan ng kata­wan ang higit pang hangin — kapag tayo ay nahihirapan sa paghinga, nararamdaman natin na hindi tayo nakakukuha ng sapat na hangin at naninikip ang ating dibdib.

  • Mataas na cholesterol at sakit sa puso — ang mataas na cholesterol ay hindi sakit, ngunit, maaari itong humantong sa sakit sa puso, atake sa puso, stroke at problema sa sirkulasyon na tinatawag na peripheral vascular disease.

  • Acid reflux at ang gastroesophageal reflux disease — isa sa mga dahi­lan ng hirap sa pag­hinga ay ang acid reflux at ang mas malala nito na tinatawag na gastroesophageal reflux disease (GERD). Ang GERD ay maiuugnay sa hirap sa paghinga tulad ng bronchospasm at aspiration pneumonia. Ang mga ito minsan ay mapanganib na magdulot ng komplikasyon sa paghinga.

  • Panic disorder — ang mga sintomas nito ay paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga, sobrang takot dahil sa pakiramdam na nasasakal at gustong tuma­kas. Sa ganitong mga pag­kakataon ay kinakaila­ngang humihingi ng medikal na tulong mula sa mga propesyunal.

Gayunman, maaari tayong magpakonsulta sa doktor upang matulungan tayo ngunit, kailangan din nating tulungan ang ating sarili at sundin nang maigi ang mga payo ng doktor.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page