Obispo, pagkatapos manghingi ng sasakyan, todo-banat sa gobyerno?
- BULGAR

- Nov 28, 2018
- 2 min read
TILA napakatindi ng galit ng kasalukuyang administrasyon kay Sen. Antonio Trillanes IV. Hindi naglabas ng warrant of arrest ang hukuman sa Makati dahil may kalinawan na binigyan ng amnestiya at sumunod naman si Sen. Trillanes sa mga hiniling ng gobyerno. Ngayon, ang mga magulang naman daw ni Sen. Trillanes ang pinaiimbestigahan dahil may mga transaksiyon umano sila sa Philippine Navy, conflict of interest daw. Kung ganu’n, bakit wala silang aksiyon kay Solicitor General Jose Calida at ang mga nakuhang milyun-milyong halaga ng kontrata ng kanyang kumpanya sa gobyerno, hindi ba malinaw na conflict of interest ‘yan at hindi ba, ‘yan ang gustong imbestigahan ni Sen. Trillanes nang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang natanggap niya?
Ayon kay Sen. Trillanes, walumpu’t apat na taon na ang kanyang ina at may sakit na Parkinson’s. Hindi maintindihan kung paano nasangkot ang kanyang ina. Wala na raw mabatong akusasyon sa kanya kaya ang mga magulang niya ang target ng gobyerno. Nasa gobyerno na nga kung may mailalabas silang ebidensiya para patunayan ang kanilang akusasyon. Hindi natin alam, pero kung mayroon man dapat noon pa lang ay nailabas na ito. Gayundin, kailangan magpaliwanag ang kampo ni Sen. Trillanes. Maghihintay na naman tayo ng bagong kabanata sa teleseryeng ito.
◘◘◘
Pinag-iinitan din muli ni P-Duterte ang Simbahang-Katolika. Ayon sa kanya, dapat tumigil na sa pagpunta sa Simbahan at magtayo na lang ng mga sariling kapilya sa bahay at doon magdasal. Inakusahan din niya ang ilang Obispo na humihingi ng sasakyan mula sa gobyerno na hindi naman dapat dahil hiwalay ang Simbahan at gobyerno kapag nakuha na umano ang sasakyan, kung makapagsalita raw laban sa gobyerno ganu’n na lang.
Hindi natin alam kung magkakaroon muli ng pagpupulong ang Simbahan at si P-Duterte, tulad ng naganap noong tinawag niyang “stupid” ang Diyos, matapos ang mga sinabi niya ngayon. Mabuti pa ang PNP at “Ang Probinsyano”, nagkasundo na at inayos ang gusot. Maayos din kaya ang gusot ng Simbahan at ni P-Duterte?





Comments