Tunay na kahulugan ng pagiging ‘hari’, wala sa pera, kapangyarihan, politika at posisyon
- BULGAR

- Nov 27, 2018
- 2 min read
NOONG Linggo ika-25 ng Nobyembre ay pista ng Kristong Hari. Ito na rin ang pinakahuling Linggo ng karaniwang panahon sa kalendaryo ng Simbahang-Katolika. Magtatapos ang kalendaryo ng karaniwang panahon sa napakahalagang pagdiriwang ng Kristong Hari.
Nakapanood tayo ng video sa YouTube noong isang araw. Pinag-usapan ng isang lalaki ang tatlong pinakamahalagang bagay sa buhay: Ang oras, kalusugan at pera. Sabi niya,“noong tayo ay bata pa, marami tayong oras at kalusugan subalit, wala tayong pera.
Nang tayo ay tumanda na, nakapagtrabaho, nagkapamilya at nakabili ng kung anu-ano, malinaw na nagkaroon na tayo ng pera subalit, kaunti na lang ang natitira nating oras. Marami ring nakararanas ng sari-saring sakit dahil kaunti na rin ang kanilang natitirang kalusugan.
May ilan na sa mga huling araw ng kanilang buhay ay mayroon silang napakaraming pera ngunit, malinaw na hindi nila iniisip ito. Sa katapusan ng buhay, “mauubos” ang ating oras, hihina at mauubos din ang ating kalusugan. Maaaring marami tayong perang naitabi ngunit, ‘ika nga, hindi natin ito maisasama sa hukay.”
Sa mga nagdaang araw, makikita sa halos lahat ng pahayagan, telebisyon at radyo ang mga pangalan, imahe at tinig ng mga makapangyarihang pinuno na sina Chinese Pres. Xi Jingping at Pangulong Rodrigo Digong.
Maraming nagtaka sa ilang imahe na ngayon lang nakita sa ating bansa. Nakitang naglalakad ang pangulo ng Pilipinas na pinangungunahan ng pangulo ng Tsina. Nakitang nasa kaliwa ng bandilang Tsina ang ating bandila. Maraming nagtanong, “bakit sa sarili nating bansa ay pinapayagan ng pangulong maghari ang lider ng ibang bansa?”
Ipinrusisyon sa paligid ng mga parokya sa bawat diyosesis ang imahen ni Kristong Hari. Malinaw ang hamon nito sa lahat bago magsimula ang panahon ng adbiyento, maging malinaw kung sino ang hari ng ating buhay.
Hindi pera, kapangyarihan, politika at posisyon. Walang ibang hari ng mga hari, mundo, kalikasan at kapayapaan.
O HesuKristo, Panginoon at Hari namin, iligtas N’yo po kami sa mga naghahari-harian sa mundo. Muling ibalik po Ninyo ang pagkilala sa tunay at mapagpalayang kapangyarihan at yaman, ang kapangyarihan at pagmamahal, pakikipag-kapwa at pagkalinga sa lahat.




Comments