Mahistrado, hukom na mapapatay | PAMILYA, MAY PENSIYON AT SCHOLARSHIP

PINAGTIBAY na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang-batas na layong mabigyan ng suportang pinansiyal ang naulilang pamilya ng mga opisyal ng Hudikatura na mapapatay dahil sa kanyang trabaho.
Umani ng botong 170 pabor at walang pagtutol ang House Bill 8121.
Sakaling tuluyang maging batas, mabibigyan ng buwanang pensiyon ang naulilang asawa at anak ng Mahistrado ng Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, gayundin ang mga hukom ng lower courts na mapapaslang dahil sa pagtupad ng tungkulin.
Maliban sa pinansiyal na tulong, mabibigyan din ng scholarship sa state universities and colleges at libreng matrikula ang dalawa sa anak ng mabibiktimang Mahistrado o hukom.
Itinatakda rin nito na kapag may kaugnayan sa trabaho ang dahilan ng kamatayan ng Mahistrado o hukom, tatangapin ng pamilya nito ang kumpletong benepisyo na katumbas ng nakukuha ng Associate Justice ng Korte Suprema, mahaba man o maikli ang panahon ng kanilang naging serbisyo.
Tatanggapin ng naulilang asawa ang mga benepisyong ito habang siya ay nabubuhay o hanggang sa makapag-asawang muli.
Ililipat lamang ang benepisyo sa mga naulilang anak kung ang naiwang asawa ng pinatay na Mahistrado o hukom ay namayapa na rin.





Comments