Dagdag-buwis sa alak, umusad na
- Vyne Reyes
- Nov 27, 2018
- 1 min read

PINAGTIBAY na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang magtataas ng buwis sa alak o mga produktong alkohol.
Ayon sa House Bill 8618, tataasan ng P6.60 ang buwis sa distilled spirits simula sa Enero 2019. Mula ‘yan sa kasalukuyang P22.40 na itinatakda ng Republic Act 10351.
Magpapataw din ng 22% na ad valorem rate sa distilled spirits habang ang specific tax rates ay P30.45 simula 2019 hanggang 2022.
Ang buwis ay depende sa taas ng lebel ng alcohol content sa kada litro. Pagsapit naman ng taong 2023, itataas pa ng 7% ang buwis.
Para naman sa sparkling wines, magiging P650 na ang unitary rate ng buwis, pero may kaakibat na ad valorem tax na 15% at daragdagan ito ng 7% sa taong 2023.
Samantala, ang buwis sa still at carbonated wines na mas mababa sa 14% ang alcohol content ay tataasan ng P2.10 mula sa kasalukuyang P37.90.
Kung mas mataas sa 14% ang alcohol content ay tataasan ng P4.10 ang buwis simula sa susunod na taon at itataas ng 7% taun-taon makalipas ang 2019.
Ang fermented liquor naman ay magiging P28 na ang buwis mula sa kasalukuyang P25.40.





Comments