BIADO, UMARIBA PA SA Q-FINAL NG ALL-JAPAN 10-BALL C’SHIPS

NANATILING nakataas ang bandila ng Pilipinas matapos na makasibad papuntang quarterfinals si Carlo Biado sa World Pool Billiards Association (WPA) rated na 2018 All Japan 10-Ball Billiards Championships sa Archaic Hall ng Amagasaki-city, Hyogo, Japan.
Ibinasura ni Biado, world 9-ball king at WPA no. 3, ang pambato ng punong abala na si Hideki Yamakawa, 11-1, upang makuha ang isa sa mga final 8 na mga upuan at magpatuloy ang paglalakbay sa paligsahang magkakaloob ng JPY 6,316,000 (USD 56,780) sa mga bilyaristang mapapabilang sa winners’ circle.
Kasama sa mga ginawang tuntungan ni Biado sa pananatili sa torneo sina Liu Cheng Chieh ng Taiwan (11-0) sa last 32; Tasuku Nishio mula sa Japan (11-2) noong last 64; Mathew Edwards ng New Zealand (9-1) sa prelim at Hsu Jui An mula pa rin sa Taiwan (9-6) noong qualifying stage.
Mula sa pito-kataong pulutong ng Pilipinas, halos nasimot ang pag-asa ng bansa sa torneong magbibigay ng champion’s purse na JPY 1,800,000 (US$16,185). Kasama sa mga naobligang mag-alsabalutan sina 2017 All Japan Championship king at WPA no. 9 Johann Gonzales Chua, 2017 World 9-Ball runner-up at WPA no. 10 Roland Garcia, 2017 World 14.1 Straightpool champion Lee Van Corteza, Jeffrey De Luna, Jeffrey Ignacio, ang Cebuanong si Warren “The Warrior” Kiamco at si Ramil Gallego.
Nag-empake na rin nang masilat ang ibang mga bigating bilyarista tulad nina Mika Immonen ng Finland, German ace Thorsten Hohmann, WPA no. 3 Chang Jung Lin ng Taiwan at WPA no. 15 Japanese Naoyuki Oi.





Comments